Skip to main content

PROPER REGISTRATION NG NATIONAL ID SYSTEM, NAGSIMULA NA SA BAYAN NG LINGAYEN

Pormal nang inilunsad sa bayan ng Lingayen ang Proper Registration System sa National ID ng Philippine Statistics Authority (PSA) ngayong March 1, 2021.
Unang sumalang sa proseso si Mayor Leopoldo N. Bataoil at Vice Mayor Judy Vargas-Quiocho kasama ang lahat ng mga Municipal Officials bilang pagbibigay ehemplo sa kanilang mga kababayan na pangunahan ang pagpaparehistro dito.
Ayon sa PSA, uunahin muna pansamantala sa naturang proper registration ang mga opisyales kabilang na ang mga Brgy. Captains upang maging sistematiko ang pagproseso nito. Ang mga punong barangay din umano ang magsisilbing “introducer” o magpapatunay sa pagkakakilanlan ng kanilang mga kabarangay na walang maipe-presentang valid ID.
Sa oras na naman na sila’y matapos, isusunod na ang mga kababayan mula sa iba’t ibang barangay. Maghintay lamang ng itatakdang schedule ng mga barangay o maari rin umanong dumalog sa inyong punong barangay kung hindi pa natatapos sa Step 1 process upang mabalikan o ma-iskedyul ng mga kawani ng PSA.
Dalawa ang paraan ng pagrerehistro, una ay ang pagkalap ng mga personal at demograpikong impormasyon, at ang ikalawa ay ang biometrics information.
Para sa Demographic Data, kinakailangan lamang ihanda ang mga dokumento o ilang mga impormasyon katulad ng buong pangalan, kasarian, araw at lugar ng kapanganakan, blood type, tirahan, at nasyonalidad. Samantalang ang marital status, numero ng telepono, at email address ay opsiyonal.
Sa biometrics information ay kailangan namang makunan ng larawan, full-set ng fingerprints, at iris scan. Maaari ring itala ang iba pang mga marka ng pagkakakilanlan kung kinakailangan.
Payo lamang ng PSA sa publiko lalo na sa mga kababayan na nauna at natapos na sa STEP 1 ng National ID na hintayin lamang ang text messages mula sa kanilang tanggapan kung kelan ang sunod nilang iskedyul.
Para sa iba pang katanungan, maaaring tumawag or magtext sa PhilSys Lingayen Registration Team Supervisors Glito Rey De Leon
(0943 136 3420) at Mary Mae Bolasoc (0920 768 0935). (MIO)
📸 MIO/GCEAdeur

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan