
PROSESO NG DOLE-DOT FINANCIAL ASSISTANCE AND CASH-FOR-WORK PROGRAM IPINALIWANAG SA GRUPO NG TODA
Pinulong ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pangunguna ng Municipal Tourism Office ang iba’t ibang asosasyon ng Tricycle Operators and Drivers’ Association o TODA sa bayan, noong ika-18 ng Pebrero, 2021.
Ito ay upang pag usapan at bigyan ng linaw ang hinaing ng ilan sa kanilang miyembro patungkol sa ‘financial assisstance and cash-for-work program for displaced workers in tourism sector’ na ipinagkakaloob ng Department of Labor and Employment-Department of Tourism (DOLE-DOT).
Nanguna sa nasabing dialogo si Ginoong Nelson Bolasoc – DOLE Officer II kasama na rin si Ginoong Randy Castro – Presidente ng Lingayen Gulf Federation TODA Inc.
Unang ipinaliwanag ng Municipal Tourism Office sa mga TODA ang proseso na kailangan munang gawin bago makuha ang nasabing cash assistance. Kabilang na umano ang pagpapasa ng mga kinakailangang dokumento tulad ng mga sumusunod :
1. SEC Registration or DOLE Accreditation
2. DOT Endorsement Letter
3. Valid Government Issued ID
4. Certified List of Active Members
Pagkatapos nito ay magkakaroon pa ng encoding na susundan naman ng submission ng kanilang mga dokumento sa tanggapan ng DOLE.
Ayon pa sa Tourism office, hindi umano madali ang pagproseso nito dahil kinakailangan pang rebyuhin ng DOT National ang kanilang mga papel upang malaman kung ang mga ito ba ay kwalipikadong mabigyan ng nasabing cash assistance.
Hinihintay pa rin umano ng DOT ang karagdagang budget sa taong 2021 kung kaya’t pansamantalang natigil ang releasing ng pera sa mga natitirang TODA members sa bayan at maging sa ibang tourism related sectors na kwalipikadong makatanggap.
Panawagan naman ni Ginoong Randy Castro sa mga kapwa nito drivers/operators na habaan ang kanilang pasensya at hintayin na lamang ang ibibigay na ayuda. Hiniling din nito na iparating sa iba pa nilang mga kasamahan ang napag usapan sa pulong upang magkaroon ang mga ito ng ideya at maiwasan ang paninisi sa lokal na pamahalaan lalo na’t hindi umano ito ang may hawak ng pondo.
Matatandaan na buwan ng Disyembre nang nakaraang taon ng unang i-anunsyo ng DOT na magbibigay ito ng one-time financial aid na nagkakahalaga ng P5,000 ang mga manggagawa na nawalan ng trabaho sa sektor ng turismo tulad na lamang ng mga sumusunod:
-tour guide at service staffs mula sa mga hotels, resorts, restaurants at cafeteria
-mga empleyado sa ilalim ng DOT-accredited Primary Tourism Enterprise
-Local Government Units (LGU)-licensed primary tourism enterprises
-rehistradong Community-Based Tourism Organization (CBTO)
Ngunit inerekomenda lamang ni Mayor Leopoldo N. Bataoil na maisama sa listahan ng mga tutulungan ang mga TODA members pati na ang mga padyak o iba pang transport sector na lubos na naapektuhan ng pandemya, na hindi naman nangyari sa ibang LGU. (MIO)