
PROTECTIVE GEARS IPINAGKALOOB SA 2020 CENSUS ENUMERATORS
Binigyan ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ng mga personal protective gears ang mga enumerators ng Philippine Statistics Authority (PSA) na kasalukuyang nagsasagawa ng 2020 Census Population sa bayan.
Personal na ini-abot ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang mga faceshield, facemask pati na vitamins na maaari umanong gamitin bilang proteksyon sa kani-kanilang sarili.
Ayon sa alkalde, nais niyang masiguro na nasa mabuting kalagayan at maayos na kalusugan ang lahat ng mga enumerators na naglilibot sa mga kabahayan upang kumuha o kumalap ng mga datos.
Dagdag pa nito, nararapat lamang silang bigyan ng naturang mga suplay upang kanilang magampanang maigi ang kanilang mga tungkulin.
“You are facing many people. Dapat lang talaga na bigyan kayo ng mga proteksyon gaya ng mga ito, para maging safe kayo at magampanan ninyo ang inyong mga tungkulin” ani Mayor Bataoil.
Lubos naman ang pasasalamat ni Ms. Daisy Mae Fernandez, ang Statistical Specialist II ng PSA Calasiao sa mga donasyon na ibinigay ng alkalde.
Aniya, malaking tulong ito sa kanila upang labanan at mapigil ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) habang ginagawa ang kanilang trabaho.
Bawat enumerators ay nakatanggap ng isang faceshield, isang kahon ng facemask at 30 piraso ng vitamins.
Patuloy namang umaapela si Mayor Bataoil sa kanyang mga kababayan na makiisa sa layunin ng lokal na pamahalaan at tumulong sa pagpigil o pagkalat ng naturang virus sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinapatupad na health at safety protocols sa bayan. (MIO)