
PROVINCIAL GOVERNMENT MAGBIBIGAY AYUDA SA MGA HOG RAISERS
Nakatakdang magkaloob ng financial assistance para sa mga backyard hog raisers sa bayan na lubos na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) ang Provincial Government sa pamumuno ni Governor Amado “Pogi” I. Espino III.
Labing apat na local hog raisers mula sa Brgy Libsong East, Libsong West, Brgy Namolan ang bibigyan ng nasabing tulong pinansyal.
Base sa datos ng Municipal Agriculture Office o MAO Lingayen, umabot sa isang daan apatnapu’t isa (141) na mga alagang baboy ang isinailalim sa culling operation kamakailan na pag mamay ari ng labing apat na hog raisers mula sa mga nabanggit na barangay.
Ayon pa sa naturang tanggapan, malaki ang nalugi sa mga pig farms simula ng magkaroon ng outbreak sa bayan.
Lubos naman ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa Provincial Government na magbibigay ng P1,000 cash assistance para sa bawat piraso (P1,000/head) ng alagang baboy na naapektuhan ng culling operations.
Ipapamahagi ito sa darating na Setyembre 10, 2020 ganap na alas nuebe (9:00) ng umaga sa Lingayen Plaza Auditorium o may tawag na ngayong Lingayen Civic Center.
Pinapaalalahanan naman ang lahat ng mga benepisyaryo na huwag kakalimutang obserbahan ang minimum health protocols na ipinapatupad kabilang na ang pagsusuot ng face masks, face shield at physical distancing. (MIO)