Skip to main content

PROYEKTO AT ILANG PAALALA, IBINAHAGI NI MAYOR BATAOIL SA MGA KAWANI NG LGU LINGAYEN

Masayang inanunsyo ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang mga nakalinya nitong proyektong pang-imprastraktura o ang mga flood control projects para sa bayan na kanyang pinamumunuan.

Sa ginanap na flag raising ceremony ngayong araw Enero 11, 2021 ibinahagi ng alkalde ang mga plano nito sa Lingayen upang tuluyan ng masolusyunan ang mga problemang nagdudulot ng pagbaha lalo na tuwing tag-ulan.

Sa katunayan, sinabi nito na nakatakda umano siyang makipag pulong sa ilang mga kinatawanan o grupo Regional Multi Agency Task Force para talakayin ang mga hakbang na gagawin upang maisakatuparan ang nasabing proyekto.

“We are the catch basin of the whole province in Pangasinan. Yong mga flood water ng iba’t ibang district, dito naiipon sa atin–sa Agno River, all the way to Lingayen Gulf kaya napakahalaga talaga na magkaroon tayo nitong flood control projects” ani Mayor Bataoil.

Samantala, muli namang nanawagan ang Lokal na Pamahalaan sa mga kababayan nito na seryosohin pa rin ang banta ng COVID-19.

Ito’y matapos na muling makapagtala ang bayan ng pitong kaso nito lamang nakaraang Sabado at tatlo naman noong Linggo.

Ayon kay Municipal Administrator Roberto Sylim, ang mga nasabing bilang ay hudyat lamang o paalala sa publiko na dapat pa ring pagtuunan ng pansin at sundin ang mga ipinapatupad na health protocols sa bayan upang hindi na ang maranasan pa ang local transmission.

Bagamat tiniyak nito na handa ang LGU Lingayen sakaling magkaroon ng local transmission, dapat ay makiisa pa rin umano ang lahat para maiwasan ng mangyari ang pinangangambahan ng lahat. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan