Skip to main content

PROYEKTONG ABIG PANGASINAN, NAGHATID NG TULONG SA BAYAN NG LINGAYEN

Umarangkada na sa bayan ng Lingayen ang Abig Pangasinan Karaban 2021 ng Pamahalaang Panlalawigan ngayong ika-4 ng Pebrero.

Pinangunahan ni Gobernador Amado I. Espino III ang nasabing aktibidad katuwang ang kayanga mga department heads sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan.

Dumalo rin sa aktibidad sa bayan sina Pangasinan 2nd district board member Nestor “Nikkiboy” Reyes at  Sangguniang Kabataan Federation Provincial President Jerome Vic Espino.

Sa maikling programa, sinabi ni Governor Espino na bagamat 2021 na ay hindi pa rin tapos ang laban kontra COVID-19. Patuloy pa rin umanong nakakaranas ang probinsya ng pandemya dahilan upang magkaroon ng problema sa kabuhayan at kita ang mga kababayan.

Dahil dito, naisipan umano niyang tulungan ang lahat ng kapwa Pangasenense sa pamamagitan ng pagtatatag ng Abig Pangasinan Karaban.

Hiniling lamang niya sa publiko ang pagkakaroon ng mahabang pasensya, disiplina at pagkakaisa  lalo na ngayon dumaranas ng matinding pagsubok di lamang ang bansa ngunit maging ang buong mundo.

Kanya ding binati at pinasalamatan ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil dahil sa magagandang programa at performance nito lalo na sa pamamalakad ng bayan.

“Thank you very much Mayor and to our Municipal Officials for taking care of Lingayen. Napakaganda ng Performance ng bayan na to” ani Gov. Espino.

Samantala, para naman kay BM Reyes, dapat muna aniyang isantabi  ang pulitika  at sa halip ay sama-sama na magkaisa at magtrabaho upang maibangon ang ekonomiya ng probinsya.

Nanawagan naman si SK Federation Provincial President Jerome Espino sa kanyang mga kapwa kabataan na suportahan ang mga programa na isinusulong ng pamahalaan lalo na ang Kalinisan Karaban. Maaring ipalit ang inyong mga tuyong plastic na basura o scrap ng mga grocery items sa Lingayen Civic Center ngayong araw.

Aniya, nararapat lamang na panatilihin ang kaayusan at  kalinisan lalo na sa Lingayen na siyang itinuturing bilang Capital Town ng Pangasinan.

Taos puso namang nagpasalamat si Mayor Bataoil sa tulong na hatid ni Gov. Espino at nangako ito na patuloy niyang susuportahan ang mga proyekto at iba pang magagandang plano ng pamahalaang panlalawigan.

Hatid ng Abig Pangasinan Karaban ang food production support para sa mga magsasaka at mangingisda sa bayan kabilang na ang pamamahagi ng ibat ibang mga punla at mga agricultural inputs.

Ilang kababayan rin ang nakatanggap ng cash incentive sa ilalim ng Cash For Work Program. Sa ngayon, kasalukuyang nagbibigay tulong at serbisyo sa Lingayen Civic Center ang Kabuhayan Palengke, Kalinisan Karaban at Kalusugan Karaban ng lalawigan. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan