Skip to main content

PUBLIC CONSULTATION, ISINAGAWA PARA SA PAGTATALAGA SA NEPA AIRSHED BILANG ATTAINMENT AREA

Ginanap ngayong ika-23 ng Mayo, 2024, sa Lingayen Civic Center ang isang public consultation para sa pagtalaga sa Northeastern Pangasinan (NEPA) airshed bilang attainment area ng mga criteria pollutants tulad ng Sulfur Dioxide (SO2), Total Suspended Particulate (TSP), Particulate Matter 10 (PM 10) at Particulate Matter 2.5 (PM 2.5).

Nagsagawa ang Environmental Management Bureau (EMB) Region 1 Office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng programa kung saan tinalakay ang kasalukuyang estado ng NEPA airshed partikular na ang kalidad ng hangin na mas mababa sa National Ambient Air Quality Guideline Values (NAAQGV), isang mabuting indikasyon na maaari itong hirangin bilang Attainment Area.

Alinsunod sa Philippine Clean Air Act of 1999 o RA 8749, itinatag ang NEPA airshed noong ika-23 ng Marso 2004 sa pamamagitan ng DENR Administrative Order o DAO 2004-07. Tatlong siyudad at labinlimang munisipalidad ang sakop ng naturang airshed, kabilang dito ang bayan ng Lingayen. Ang airsheds ay tumutukoy sa mga lugar na iisa ang klima, topograpiya, at meteorolohiya na siyang nakaaapekto sa interchange at diffusion ng polusyon sa kapaligiran.

Matapos ang diskusyon, aktibo namang nakibahagi ang ilang mga LGU representatives at mga miyembro ng pribadong sektor sa pamamagitan ng paglalahad ng kanilang saloobin o suhestiyon ukol sa napipintong pagtatalaga sa NEPA airshed bilang attainment area. Maituturing lamang na attainment area ang isang airshed kung ito ang kalidad ng hangin at pasado sa national standard, samantalang non-attainment area naman na maituturing kapag hindi pumasa sa standards ang air quality.

Ayon kay Jayson Paolo E. Resultay, Supervising EMS Chief, mahalaga umanong mai-angat tungong Category 4 ang NEPA Airshed dahil ito ang magpapatunay na nananatiling maayos at maganda ang kalidad ng hangin sa mga bayang nasasaklaw ng NEPA airshed. Bagamat ito ang huling aktibidad na kinakailangan gawin bago opisyal na ipasa ang kanilang proposal, sinigurado naman ni Resultay na patuloy pa rin kanilang pagtaguyod sa adbokasiyang mapanatili ang magandang kalidad ng hangin para sa ikabubuti ng bawat mamamayan.

Sa darating na Hunyo 2024 planong isumite ang proposal at naasahan namang bago matapos ang taon, pormal nang kikilalanin ang NEPA airshed bilang isang attainment area. Batay sa datos, wala pang airshed ang naidedeklarang attainment area kung kaya’t maituturing na isang karangalan sa Pangasinan sakaling maaprubahan ang pag designate sa NEPA bilang isang attainment area. (MIO/PJBayog)

📸MIO/RCSoriano

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan