
PUBLIKO HINIHIKAYAT NA MAGPABAKUNA PAGDATING NG COVID-19 VACCINE SA BANSA
Muling hinikayat ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang publiko partikular ang mga kababayan nito na magpabakuna kontra sa sakit na COVID-19.
Ginawa ang panghihikayat sa ginanap na Department Heads Meeting ng mga matataas na opisyal ng munisipalidad noong February 22, 2021.
Unang ipinunto ng Rural Health Unit I at Rural Health Unit II sa parehong pamumuno nina Dr. Sandra V. Gonzales at Dr. Ferdinand Guiang ang kahalagahan ng pagpapabakuna.
Isa sa pinaka-epektibo umanong paraan upang maiwasan ang pagkalat at mapababa ang epekto ng nakahahawang sakit ang pagbabakuna.
Ayon pa sa dalawang doktor, dapat umanong iwasan ang agam-agam tungkol sa bakuna at sa halip ay magtiwala na lamang sa ‘safety’ at ‘efficacy’ nito.
Naniniwala din ang dalawang opisyal na ang dating isyu sa Dengvaxia ang isa sa mga posibleng dahilan kung bakit nadudungisan ang imahe at mahina ang tiwala ng publiko sa COVID-19 immunization program ng pamahalaan.
Ngunit kanilang binigyang-diin na kin
akailangan nilang magtiwala dito dahil ang bakunang ituturok sa mga kababayan ay tiyak na dadaan sa tamang proseso at pag aaral ng mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH) gayundin ng World Health Organization (WHO).
Sa katunayan, handa umano ang lahat ng matataas na lider o opisyales ng munisipalidad na manguna sa pagpapabakuna upang mawala ang takot ng publiko dito sakaling dumating na ang vaccine sa bayan.
Layon lamang din umano nilang ipakita sa publiko na ligtas at epektibo ang ituturok sa kanilang bakuna.
Kaugnay nito, nakatakdang maglunsad ang LGU Lingayen ng isang vaccine confidence campaign o information caravan sa mga susunod na araw upang mahikayat ang mas marami pang mga residente na magpabakuna kontra COVID-19.
Ilang medical experts din ang iimbitahan dito upang matulungan ang Lokal na Pamahalaan na maipaliwanag ang kahalagahan at positibong epekto nito sa katawan ng isang tao.
Una ng nagsagawa ng COVID vaccine simulation exercise ang LGU Lingayen upang masukat ang kahandaan nito sakaling dumating na ang mga bakuna sa bayan. (MIO)
📸 MIO/ GCEAdeur