
PYPP CARAVAN MULING BUMISITA SA BAYAN NG LINGAYEN
Muli nanamang binisita ng Pamanang Yaman, Produktong Pangasinan (PYPP) karaban ng Provincial Government sa pamumuno na rin ni Governor Amado “Pogi” I. Espino III ang bayan ng Lingayen.
Ngayong Agosto 16, 2021, inilunsad ang nasabing karaban na may layuning ipakita, ibenta at ipagmalaki ang mga katangi-tanging produkto ng bawat bayan at lungsod sa probinsya.
Bago naman ang pagsisimula ng nasabing aktibidad, idinaos muna ang isang flag raising ceremony na pnangunahan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil at Vice Mayor Judy Vargas Quiocho kasama ang ilang mga empleyado ng LGU Lingayen.
Kapwa malugod na tinanggap ng alkalde at bise alkalde ang pagdating ng mobile store ng provincial government kasama ang ilan pang livelihood products ng lalawigan. Kanila ding hinikayat ang mga kababayan na tangkilikin ang mga produktong gawa ng mga kapwa Pangasenense.
“Let us patronize produkto ng Pangasinan so that we will be able to make our beloved province of Pangasinan register a record high in terms of productivity all over the world” pahayag ni Mayor Bataoil.
Ang PYPP ay brainchild project ni Gobernador Espino na naglalayong matulungan ang mga lokal na negosyante, partikular na ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na apektado ng COVID-19. Bukod pa rito, ang layunin na maisulong ang lokal na turismo lalo na ngayong nakakaranas pa rin ang bansa ng pandemya.
Mula sa cost selling price, maaaring makabili ng sari-saring produkto sa PYPP mobile store katulad na lamang ng mga iba’t ibang food products, sangkap pampalasa, alak na gawa sa prutas, gamit pambahay at produktong gawa sa buri at marami pang iba. Tampok din sa PYPP ang mga produkto at pagkain partikular ng mga nagnenegosyo sa bayan.
Pinapayuhan lamang ang lahat na nais magtungo dito na mahigpit na sundin ang mga ipanapatupad na health protocols tulad na lamang ng pagsusuot ng face mask, face shield pati na ang pag-obserba ng social distancing.
Magtatagal ang PYPP Caravan sa bayan hanggang bukas Agosto 17, 2021. (MIO)