Skip to main content

RABBIES AWARENESS MONTH, PINAIGTING

Mas pinaigting ngayon ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang kampanya kontra sa rabies.

Ito’y bilang bahagi ng pagdiriwang ng Rabies Awareness Month ngayon buwan ng Marso dala ang temang “Rabies ay iwasan, alagang aso’t pusa ay pabakunahan”.

Hinimok ng Municipal Agriculture Office (MAO) ang publiko lalong lalo na ang mga pet owners na pabakunahan ang kanilang mga alagang aso’t pusa.

Ayon sa naturang tanggapan, isa isa nilang tinutungo ang mga barangay sa bayan upang magbigay ng libreng anti-rabies vaccine.

Layunin ng programa na iangat ang kamalayan ng publiko sa panganib na dulot nito at upang maging anti-rabies free ang bayan sa mga susunod na taon.

Ipinaliwanag din ng nasabing tanggapan na mahalaga ang pagpapabakuna dahil ito ang nagpapalakas ng immune system ng mga pusa at aso at para protektahan ang mga ito mula sa rabies virus, na kalaunan ay maaaring malipat sa tao.

Ang rabies ay isang deadly virus na napapasa sa iba sa pamamagitan ng laway ng infected na hayop. Ito ay kadalasang nakukuha sa kagat ng domesticated at wild animals.

Kabilang sa mga sintomas ng rabies infection ay ang lagnat o pananakit ng ulo, pananakit o pamamanhid ng bahagi ng katawan na kinagat ng hayop, pagdedeliryo at pagkaparalisa.

Sintomas din ng rabies infection ang pamumulikat ng mga kalamnan, gayundin ang “pagkatakot” sa hangin at tubig.

Ipinapayo naman ng tanggapan na agad magpakonsulta sa pinakamalapit na pagamutan sakaling makagat o makalmot ng mga alagang hayop.

Samantala, narito ang iskedyul ng Municipal Agriculture Office sa mga susunod na barangay na bibigyan ng libreng bakuna:

March 18- Libsong East
March 20- Libsong West
March 24- Tonton
March 25- Matalava
March 26- Namolan

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan