Skip to main content

Re-Elected at Newly Elected Barangay Officials sa Lingayen, Nanumpa na sa Kanilang Tungkulin

Nagtipon-tipon ngayong araw, Ika-11 ng Nobyembre 2023, sa Lingayen Civic Center, ang mga opisyales mula sa tatlumpu’t dalawang barangay sa bayan upang manumpa sa kanilang tungkulin bilang mga tagapag-lingkod sa kani-kanilang barangay.
Sinimulan sa isang misa ang aktibidad sa pangunguna ni Rev Fr. Cj Bataoil. Isang pormal na programa naman ang inihanda para sa naturang okasyon para sa mga newly elected at re-elected barangay officials sa pangunguna ni Mayor Leopoldo N. Bataoil na nagsilbing administering officer.
Kaisa rin sa naturang aktibidad ay sina 2nd District Board Member, Philip Theodore Cruz, Mr. Leo Sarigan, ang kinatawan ni Board Member Atty. Haidee Pacheco, Sangguniang Bayan na pinangungunahan ni Vice Mayor Mac Dexter Malicdem, Department of Interior and Local Governance (DILG) Lingayen, at ng Commission on Elections (COMELEC) Lingayen, at ng iba’t-ibang departamento at kawani ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Municipal Local Governance Operations Officer, Gabriel Coronel, ang tungkulin ng mga bagong halal ay gawin ang mga nararapat ayon sa kanilang mga mandato sa barangay at manungkulan para sa kapwa ng may puso.
“Ang dalawang taon ay mabilis lamang yan kaya’t sana gawin ninyo ang mga ipinangako ninyo para sa inyong barangay. Huwag sayangin ang pagkakataon.Gayundin din ay nagpapasalamat kami sa mga outgoing barangay officials sa inilaan ninyong panahon para paglingkuran ang ating mga kababayan.” Ito naman ang naging pahayag ni Vice Mayor Malicdem para sa opisyales ng barangay.
Paalala naman ng DILG at COMELEC sa mga bagong halal na bago magsimula sa kanilang panunungkulan sa barangay at maging sa mga hindi pinalad na manalo sa halalan ay kinakailangan maisumite ang kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) hanggang sa ika-29 ng Nobyembre.
“Dont wait for things to happen, think of ways to make it happen.” Ito naman ang iniwang mensahe ni Mayor Bataoil sa lahat ng opisyal na dumalo. Dagdag pa niya, nawa’y maipagpatuloy ng bawat halal na kapitan at kagawad ang mga aktibidad at proyekto na lubos at tiyak na nakatutulong sa kanilang mga kabarangay at tinitiyak din ng alkalde na bukas ang opisina ng lokal na pamahalaan para sila ay gabayan at tulungan. (MIO_JMMangapot/MVR)
📸MIO/GcRueda/DDeGuzman

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan