
‘REDUCED PHYSICAL DISTANCING’, IPINATUTUPAD NA SA MGA PAMPUBLIKONG SASAKYAN
Kinumpirma ng Lingayen Police Station na naipatutupad na sa bayan ang panibagong kautusan ng Department of Transportation (DOTr) na bawasan ang sukat ng distansiya ng mga pasahero sa mga pampublikong transportasyon.
Ayon sa pulisya, mayroon na umanong “go signal” mula sa Pangasinan Police Provincial Office na ipatupad na ang panukalang dagdagan ang ridership o mga sasakay sa pampublikong sasakyan sa pamamagitan ng pagbabawas sa distansya ng mga pasahero.
Nakasaad dito na paluluwagin na ang ilang distancing protocols pagdating sa mga class 2 modern public utility vehicles (PUVs) at public utility buses.
Mula sa isang metrong layo ngayon, gagawing 0.75 meters na lang ang distansya sa mga pampublikong sakayan.
Pwede na rin ulit umanong tumayo sa gitna, o daanan ng mga bus, ang mga pasahero para mas marami ang ma-accomodate na riders.
Posible namang mabago muli ang nasabing panuntunan makalipas ang dalawang linggo kung saan ito’y magiging 0.5 na metro na lamang at gagawin din itong 0.3 metro matapos ang isang buwan.
Pinaliwanag naman ng PNP Lingayen na maliban sa physical distancing, kinakailangan ding siguraduhin ng mga pasahero o mananakay na nakasuot ang mga ito ng face mask at face shield.
Mahigpit ding pinagbabawalan ang mga commuter na kumain, magsalita o tumawag gamit ang mga cellphone habang nakasakay ng public transport.
Nagbabala ang mga ito na kanilang huhuliin at papatawan ang sinumang mapatunayang lalabag sa bagong batas.
Samantala, kanila namang nilinaw na mananatiling limitado sa isang pasahero ang maaaring isakay ng mga tricycle at pedicabs.
Bagama’t naging maluwag na, tiniyak ng pulisya na mahigpit pa rin nilang imomonitor at mangunguna ang mga ito sa pagpapatupad ng health protocols lalo na sa mga public transportation area habang nasa gitna ng banta ng COVID-19. (MIO)