
RESIDENTE SA BAHAGI NG DIKE NG BRGY TONTON PINAKIUSAPANG MAGBAKLAS NG MGA NAKAHARANG NA ISTRUKTURA SA DAAN
Pinulong ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ngayong araw Disyembre 7, 2020 ang kanyang mga kababayan mula sa Barangay Tonton na apektado sa isinasagawang Road Clearing Operations sa bayan.
Ito’y upang mas maipaliwanag sa kanila ang nilalaman ng Memorandum Circular 2020-145 ng Department of Interior and Local Government (DILG) o ang paglilinis ng mga kalsada mula sa mga iligal na estruktura at iba pang nakahambalang sa daan.
Una munang klinaro sa mga ito na ang ipinapatupad na paglilinis ay hindi utos ng alkalde bagkus ay kautusan mula sa National Government sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte. Nilinaw din na ang pagkakaiba ng Road Clearing at Road Widening lalo’t marami aniya ang nalilito dito.
“I just want to clarify, magkaiba ang Road Clearing at Road Widening. Yong Road Clearing po, yon po yong ginagawa at ipinapatupad ng DILG, habang yong Road Widening naman under po yon ng DPWH” ani Municipal Local Government Operations Officer Marilyn Dela Cruz.
Apela naman ni Mayor Bataoil sa mga apektadong residente, makiisa sa clearing operation at sila na mismo ang magtanggal ng mga bagay-bagay, istraktura o ano pa mang kagamitan na nakahambalang sa kalsada.
“Tulungan ninyo na lang kami. Kayo na ang boluntaryong mag-dismantle ng mga naipatayo ninyong mga istraktura. Kung may mga kailangan kayong ibang tulong mula sa amin (sa pamahalaan), huwag kayo mahihiyang magsabi at handa naming ibigay ito para sa inyo” pahayag ni Mayor Bataoil.
Sinabi din nito na walang dapat ipangamba ang mga apektadong kababayan dahil sila’y makikinabang sa housing project ng provincial government basta’t pasok umano sa itinakdang criteria.
Binigyan lamang ng isang araw na palugit ang mga ito upang personal na alisin ang kanilang mga naipatayong istraktura o kabahayan sa Brgy Tonton dahil kung hindi aniya matanggal ay mapipilitan ang clearing task force na pwersahangng tanggalin ang mga ito.
“Masakit para sa akin na paalisin kayo pero ayoko rin na tawagin kayong mga squatters kaya ako na ang nakikiusap sa inyo, na sundin at gawin na lang natin ang utos ng national government” ani Mayor Bataoil.
Patuloy naman sa pag-iikot ang mga miyembro ng binuong Task Force upang pangasiwaan ang Clearing Operations at ipabatid sa publiko ang kautusan ni Pangulong Duterte at ng DILG na maaayos at malinis dapat ang mga kalye at pangunahing lansangan sa loob lamang ng 60 araw. (MIO)