
RESPONSIBLE PARENTHOOD AT FAMILY PLANNING CARAVAN IDINAOS SA RHU III LINGAYEN
Matagumpay ang isinagawang Responsible Parenthood and Family Planning Caravan ngayong ika-29 ng Agosto, 2023 sa Barangay Basing Lingayen sa pangunguna ng lokal na pamahalaan ng Lingayen.
Ang caravan ay kaugnay sa selebrasyon ngayong Agosto na Family Planning Month, na may temang, “Usap tayo sa Family Planning para protektado ang Pamilya Pilipino.” Layunin nito na makapagbigay ng kaalaman at hikayatin ang mga kababaihan na pumili nang ninanais na family planning method upang makapagplano sa tamang laki ng pamilya at agwat ng pag-aanak. Ito ay dinaluhan ng higit isang daang (100+) kababaihan mula sa labintatlong (13) barangay na nasasakupan ng Rural Health Unit III, sa pangunguna ni Dra. Shayne Delos Santos-Borling, ang ating Medical Officer IV.
Katuwang naman sa naturang aktibidad ay ang Provincial Government of Pangasinan, Department of Health – Ilocos Center for Health Development (DOH-CHD), Provincial Health Office (PHO), Pangasinan Department of Health Office (PDOHO) , Provincial Population and Livelihood Development Office (PPCLD), at ang DKT Philippines Foundation.
“Tayo ay nagpapasalamat dahil sa lahat ng munisipalidad at siyudad sa buong Ilocos Region ay Lingayen ang napili na pagganapan nitong Family Planning Caravan. Ito po ay malaking tulong para sa ating lahat lalo na ang mga impormasyon na ating matututunan at magagamit ninyo sa inyong pamilya,” mensahe ni Dra. Borling para sa mga kabaleyan na naki-isa sa aktibidad.
Tinitiyak naman ni Mayor Leopoldo N. Bataoil kasama ang Sangguniang Bayan na suportado ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ang anumang programa na naglalayong mapaigting ang kahalagahan ng Family Planning at patuloy rin ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya para matulungan at matugunan ang pangangailangan ng bawat pamilya sa bayan. (MIO/JMMangapot)
📸MIO/DDeGuzman/OVM