
REVALIDATION NG MGA INFORMAL SETTLERS SA LINGAYEN, ISINAGAWA SA TULONG NG PROVINCIAL GOVERNMENT
Tuloy-tuloy ang isinasagawang ‘revalidation’ ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa mga informal settlers sa bayan na maaaring mabiyayaan ng disenteng pabahay o tahanan.
Katuwang ang Provincial Government ng Pangasinan sa pamumuno ni Governor Amado “Pogi” I. Espino III, isa-isa at mano-manong sinusuri ang listahan ng mga pamilyang nakapagpatayo ng kanilang mga kabahayan sa mga lugar na ipinagbabawal sa ilalim ng batas.
Partikular dito ang mga nasa Brgy Tonton na kasalukuyang apektado ng ipinapatupad na Road Clearing Operations 2.0 ng pamahalaan alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng DILG.
Ayon kay Municipal Social Welfare and Development Officer Lorenza Decena, patuloy ang pagsasagawa ng assessment value lalo ng mga ari-arian ng mga informal settlers upang maging basehan kung ang mga ito nga ba ay pasok o kwalipikadong mabigyan ng libreng pabahay ng pamahalaan.
Sa ngayon, sinisikap pa rin umano ng LGU na mapunan ang pangangailangan ng mga apektadong kababayan pati na ang hangarin ng pamahalaan na bigyan ang mga ito ng maayos at marangal na tahanan.
Kasabay nito ay ang paulit ulit na panawagan sa publiko na kusa ng alisin o gibain ang mga naipatayong establisyemento o anuman nakaharang sa mga sidewalks upang hindi na ito pwersahang i-demolish. (MIO)