
RHU3, PINASINAYAAN NA PARA SA MGA TAGA SOUTHERN LINGAYEN
Pinasinayaan ngayong araw Agosto 24, 2021 ang bagong Rural Health Unit (RHU) Southern Lingayen sa bahagi ng Brgy. Dulag sa bayan.
Pinangunahan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil kasama si Vice Mayor Judy Vargas Quiocho, ang naturang aktibidad. Panauhin din si Dr. Veronica De Guzman, kinatawan ng Department of Health Regional Office I.
Ayon kay Mayor Bataoil, ang pagkakaroon ng karagdagang RHU ay may layuning makapagbigay ng mas mabuti at mas agarang serbisyong pangkalusugan para sa mga mamamayan lalo na sa southern barangays.
Kwento ng alkalde, noon pa man din ay hiniling na ng kanyang mga kababayan ang pagkakaroon ng isang health center na malapit lamang sa kanilang lugar. Bilang isang lider naman aniya at isang public servant, tungkulin nito na pakinggan at isakatuparan ang kanilang kahilingan.
“As your Local Chief Executive, it is my responsibility to make this happen” pahayag ni Mayor Bataoil. Sabay na ring ibinalita ng alkalde ang plano ding pagpapatayo ng Police Community Precinct (PCP) sa Southern Barangay upang mailapit din ang access ng taumbayan sa kapulisan na sisiguro sa kanilang kaligtasan.
Ang pagtatayo naman ng RHU 3 isa na ring pagsisiguro na lahat ng Lingayenense ay protektado sa mga peligro sa kalusugan at pinalapit sa abot-kaya at de kalidad na serbisyong pangkalusugan na angkop sa kanilang pangangailangan.
Pangungunahan ni Dr. Eusebio Sison, Medical Officer V ang Rural Health Unit 3, na kasabay na ipinakilala sa lahat bilang bagong myembro ng LGU Lingayen. Nangako naman ito dedikasyon sa trabaho para sa kanyang mga magiging kliyente sa southern Lingayen na naayon rin sa ipinatutupad ng RHU I at RHU II. Nanawagan rin siya nang pagkakaisa at pagtutulungan sa pagitan ng LGU at mga lider ng southern barangays para maipa-abot ang angkop na serbisyong medikal sa taumbayan.
Kasama sa mga dumalo sa inagurasyon ng center sina Councilor Dexter Malicdem na siyang Chairman ng Committee on Health, Councilor Rasel Cuaresma, Councilor JM Crisostomo, Councilor Jasper Pasion at Sk Federation President Gabriel Ivan Tuazon.
Naroon din upang saksihan ang nasabing aktibidad Dr. Sandra Gonzales, Dr. Ferdinand V. Guiang, Municipal Administrator Roberto Sylim, ilang mga department heads at mga punong barangays at officials. (MIO)