
ROAD CLEARING 2.0, IPINATUPAD NA
Muling nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng Lingayen ng road clearing operations sa iba’t ibang major roads kabilang na sa pamilihang bayan.
Ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo R. Duterte at Department of the Interior and Local Government (DILG) Memorandum Circular No. 2020-027 na nag-aatas muli sa bawat Local Government Units (LGUs) na tanggalin ang anumang uri ng road obstruction o sagabal sa mga daanan ng tao at sasakyan sa loob ng pitumpu’t limang (75) araw.
Matapos ibaba ang kautusan sa mga punong barangay para sa kanilang mga nasasakupan, isinagawa naman ng road clearing team na binubuo ng Market Office, Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO), PNP Lingayen at Demolition Team ang kanilang operasyon sa palengke kung saan inalis mga istraktura na nakahambalang sa daan partikukar sa sidewalk.
Tinungo din ang ilang mga major roads sa bayan at isa-isang binaklas ang mga tindahang nasa daanan ng mga pedestrians at sinita ang mga may-ari ng illegally parked vehicles.
Ilan namang mga tindero at tindera ang nagkusa nang umalis matapos makipag-usap sa kanila ang clearing team.
Nilinaw naman ni Market Supervisor Arnulfo Bernardo na kanila munang ipinaliwanag ang layunin ng road clearing sa mga apektadong indibidwal bago ang naging dry run at implementasyon ng programa.
Bukod sa mga side walk vendors, tinanggal din ang mga nakaharang na signage, advertising materials na walang permit, scaffolding, mga ilegal at double parking na sasakyan.
Siniguro naman ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil na patuloy ang pagsasagawa nito ng inspeksyon upang masiguro na nasusunod ang mga itinakdang panuntunan at mandato ng DILG. (MIO)