Skip to main content

ROAD CLEARING 2.0 NA DIREKTIBA NG DILG, IBINABA SA MGA BARANGAY

Matapos atasan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa pamamagitan ni Department and Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang mga local chief executives na bawiin ang lansangan sa ilang indibidwal na ginagamit ito para sa pansariling kapakanan sa bisa ng DILG Memorandum Circular No. 2019-121, mga punong barangay naman ang inuutusang magsagawa ng parehong mandato.

Pitumpu’t limang (75) araw ang ibinigay na palugit ng kalihim ng DILG sa mga barangay upang tumalima sa DILG Memoranmdum Circular No. 2020-027 o ang Continued Implementation of the Presidential Directive to Clear Roads of Illegal Obstructions o ang tinatawang na “Road Clearing 2.0”.

Sa isinagawang pulong ngayong araw, ika-18 ng Pebrero, 2020 na ipinatawag ni Lingayen Mayor Leopoldo N. Bataoil kasama ang kinatawan ng Provincial at Municipal DILG, Department of Public Works and Highways (DPWH), Sangguniang Bayan Members, kinatawan ng barangay at iba’t ibang departamento ng lokal na pamahalaan ipinaliwanag ang panibagong utos na ito ng DILG na alisin, linisin at tanggalin ang mga road obstruction sa kanilang mga nasasakupan simula ika-16 ng Pebrero hanggang ika-30 ng Abril, 2020.

Matapos ang 75 days na palugit ay muling dadaan sa validation ang munisipalidad na pangungunahan ng composite team na binubuo ng kinatawan ng DILG, Philippine National Police at Bureau of Fire Protection.

Nagbigay naman ng paliwanag si Municipal Legal Officer Atty. Dominique Evangelista sa kaibahan ng road clearing at road widening. Ang road clearing aniya ay ang mandato ng lokal na pamahalaan na inaatas ng DILG para tanggalin ang mga sagabal sa mga kalsada na nakapaloob sa kasalukuyang road classification habang ang road widening naman ay mandato ng DPWH na palawakin ang mga kalsada mula sa orihinal nitong road classification o pag-aapply ng “power of eminent domain” o kapangyarihan ng gobyerno na kunin ang isang pribadong pag-aari para magamit ng publiko ngunit kinakailangan may kaukulang kompensasyon o bayad.

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan