
ROAD CLEARING IPAGPAPATULOY NA ALINSUNOD SA UTOS NG DILG, KASABAY NA INANUNSYO SA FLAG RAISING CEREMONY
Muli nang magsasagawa ng road clearing operations sa bansa kabilang na sa bayan ng Lingayen base sa ibinabang direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ito ang inanunsyo ni Municipal Local Government Operations Officer Marilyn Dela Cruz sa ginanap na flag raising ceremony ngayong araw, Nobyembre 9, 2020 na pinangunahan ng Local Civil Registrar Office.
Ayon sa opisyal, magsisimula na sa susunod na linggo, Nobyembre 16, 2020 ng Road-Clearing Operation 2.0 (RCO 2.0) matapos ang mahigit pitong buwang suspensyon nito.
Tatagal hanggang January 15, 2021 ang nasabing operasyon kung kaya’t nanawagan na ang LGU Lingayen sa publiko na simulan na muli ang paglilinis ng kani-kanilang mga harapan lalo na ang mga naipatayong iligal na istruktura na sumasakop sa kalsada na pagmamay-ari ng gobyerno at iba pang nakahambalang sa daan.
Ayon kay Municipal Administrator Roberto DG. Sylim, bagama’t nakakaranas pa rin ng pandemya dulot ng COVID 19, kumpiyansa siyang tatalima ang mga kababayan sa ibinigay na direktiba ng DILG para mabawi ang mga kalsada sa loob ng itinakdang araw.
Nanawagan din ito sa kanyang mga kapwa empleyado na kung mayroon mang mga kabahayan o pwesto na sumakop sa mga public roads ay kusa nang alisin o mga iba pang mga sagabal sa kalye na nagdudulot ng pagbagal ng daloy ng trapiko.
‘Kung may mga kapitbahay kayo o kakilala, mga kamag anak o kayo mismo na sa tingin niyo ay nag-oobstruct na ng kalsada, ay umpisahan ninyo na pong dahan dahanin ang pag-aalis dito” ani Administrator Sylim.
Dagdag pa nito, huwag na sanang hintayin pa na ang demolition team ng lokal na pamahalaan ang kikilos upang wasakin at gibain ang mga ipinatayong iligal na istraktura sa kani-kanilang mga lugar. Dahil mahigpit aniyang tatalima ang lokal na pamahalaan ng Lingayen sa utos na ito ng national government.
Ang buong implementasyon ng RCO 2.0 ay ipatutupad sa mga lugar na nakasailalim sa MGCQ at New Normal o Post Quarantine Scenario.
Partial implementation naman ang ipatutupad ng LGUs na nasa GCQ habang suspendido ang RCOs sa mga lugar na nasa MECQ at ECQ. Maaari ring magsuspinde ng implementasyon ng RCO 2.0 ang mga LGU at barangay na nasa ilalim ng localized ECQ o MECQ. (MIO)