
ROAD CLEARING OPERATION 2.0, MULING IPINAALALA SA PUBLIKO
Sinimulan na ang pagpapatuloy ng road clearing operations sa bayan ngayong araw, Nobyembre 17, 2020.
Alinsunod ito sa derektiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Memorandum Circular 2020-145 o ang Road Clearing Operation 2.0 na may layuning linisin at tanggalin ang lahat ng nakaharang sa daanan na maaring maging sanhi nang pagbagal ng trapiko o kapahamakan sa mga dumadaan sa sidewalk.
Isang motorcade ang nagsilbing hudyat ng pagsisimula ng naturang aktibidad kung saan nilahukan ito ng Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO), Municipal Engineering Office (MEO), Municipal Planning and Development Office (MPDO) at ng Municipal Demolition Team.
Target na unang maalis ang mga nakahambalang sasakyan sa daan, mga sidewalk vendors pati na mga istrakturang illegal na nakatayo at sumasakop na sa mga daanan. Ngunit nanawagan din ang lokal na pamahalaan sa publiko na kung maaari ay sila na ang mag-alis ng kanilang mga naipatayong istraktura upang hindi na ito dumaan pa sa sapilitang pagbabaklas.
Samantala, siniguro ng LGU Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil na ang mga personnel na kasali sa clearing operations ay nakasuot ng face masks at face shield, may physical distancing at iba pang safety protocols upang maiwasan ang pagkahawa sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Matatandaang, sinuspinde ang clearing operations sa loob ng pitong buwan dahil sa banta ng pandemya ngunit muli itong itinuloy at tatagal ang implementasyong hanggang Enero 15, 2021. (MIO)