Skip to main content

SAFETY SEAL CERTIFICATION PROGRAM, IPINATUTUPAD NA SA LINGAYEN

Sinimulan nang mag-ikot ng Municipal Inspection and Certification Team ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen na binubuo ng Business Permit and Licensing Office (BPLO), Local Disaster Risk Reduction & Management Office (LDRRMO), Municipal Health Office (MHO), Bureau of Fire Protection (BFP), PNP at DILG para inspeksiyunin ang mga establisimyento sa bayan kaugnay sa Safety Seal Certification Program ng pamahalaan.

Ininspeksyon ng mga kinatawan ng naturang ahensiya ang iba’t ibang business establishments sa bayan upang tignan kung ipinatutupad ang minimum public health standards kabilang na ang regular na paglilinis at disinfection, paggamit ng thermal scanner, at iba pa.

Mahigpit ding biniberipika ang mga QR Code ng bawat establisimyento para sa digital contact tracing application na StaySafe.Ph alinsunod na rin sa panawagan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na gamitin ito para sa mas maayos at mas mabilis na contact tracing sa mga kaso ng COVID-19.

Sa pinakahuling datos ng BPLO-Lingayen, tinatayang nasa isang daan at apatnapu’t limang (145) mga establisyemento na ang nabigyan at ginawaran ng safety seal certificate ng pamahalaan matapos pumasa sa kanilang isinagawang assessment o itinakdang pamantayan.

Layunin ng Safety Seal Certification Program na paigtingin ang pagsunod ng mga pribado o pampublikong establisimyento sa mga health protocols na itinakda ng gobyerno, at para mas tumaas din ang kumpiyansa ng mga mamamayan sa kaligtasan ng isang tanggapan o opisina.

Asahan naman na magtutuloy tuloy pa ang pag-iikot ng Municipal Inspection and Certification Team sa iba pang mga business establishments sa bayan upang matiyak ang pangkalahatang kaligtasan ng publiko lalo na ang mga Lingayenense. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan