
SCHEDULE NG STEP 2 REGISTRATION PARA SA NATIONAL ID SYSTEM, INAANTABAYANAN
Naghihintay pa ang Philippine Statistics Authority (PSA) Lingayen ng pinal na schedule mula sa nasyonal para sa pagsisimula ng Step 2 Registration ng Philippine Identification System.
Ito ang nilinaw ngayon ng naturang tanggapan kasunod ng mga tanong ng publiko kung kelan itutuloy ang pagpo-proseso nito.
Ayon sa PSA, ang tentative na schedule para sa bayan ay ngayong buwan ng Pebrero pero sa kasalukuyan ay wala pang natatanggap na ‘go signal’ ang kanilang opisina kung kelan ang eksaktong petsa nang pagtutuloy nito.
Ngunit magbibigay naman umano sila ng abiso sa pamamagitan ng text confirmation sa mga indibiwal na nakatapos na ng Step 1 bago tuluyang magtungo sa bagong schedule ng Step 2.
Sa ngayon, kanila pa ring hinihintay ang ibababang abiso mula sa central office ng PSA.
Para naman sa iba pang katanungan, mangyari lamang na kontakin ang PhilSys Hotline Number 075-517-4438.
Napapaloob sa Step 2 ang pagkuha ng biometric information ng registrant tulad ng fingerprint at iris scan.
Layon ng national ID System na pag-isahin na ang mga iba’t ibang government IDs upang mapabilis at maiwasan na rin ang red tape sa mga tanggapan ng gobyerno. (MIO)