SCHOLARSHIP GRANT PARA SA MGA NAIS KUMUHA NG KURSO SA FISHERIES, INI-AALOK NG DA-BFAR
Nagsimula nang tumanggap ng mga aplikasyon para sa 2022 Fisheries Scholarship Program ang opisina ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o DA-BFAR.
Ito ang kinumpirma matapos ang ginawang pagpupulong at pakikipag ugnayan sa Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa nabanggit na tanggapan.
Isa ang Lingayen sa mga bayan sa probinsya na tatanggap ng aplikasyon para sa mga kabataan na interesadong magpatuloy sa pag-aaral at pagkuha ng apat na taong kurso na may kinalaman sa sektor ng pangisdaan.
Ang scholarship ay may dalawang program components tulad ng Fisheries Industry Leader Grant (FILG) para sa high school graduates na kabilang sa Top 10 ng graduating class; at Fisherfolk Children Educational Grant (FCEG) para naman sa high school graduates na ang mga magulang ay nakarehistro bilang municipal fisherfolk.
Maaaring kumuha ng application form ang mga interesadong aplikante sa tanggapan ng Municipal Agriculture Office o MAO Lingayen hanggang Agosto 29, 2022– na siya ding huling araw ng aplikasyon. Sa ika-12 ng Nobyembre naman ang itinakdang araw ng pagsusulit o ang qualifying examination.
Ang sinumang makapasa o maging successful applicants ay mabibigyan ng oportunidad na makapag aral ng fisheries sa mga state universities sa Rehiyon Uno.
Pagkakalooban din ang mga ito ng libreng matrikula at iba pang bayarin o pangangailangan sa eskuwelahan, at mga allowance tulad ng sumusunod:
Monthly Stipend: 5,000
Book Allowance: 2,000
OJT Allowance: 3,000
Thesis Support: 7,000
Graduation Support: 1,500
Nagpahayag naman ng buong suporta si Mayor Leopoldo N. Bataoil sa programa ng DA-BFAR lalo na’t malaking tulong umano ito sa pag aaral ng mga anak ng mga lokal na mangingisda sa bayan. Hinikayat nito ang mga kwalipikadong kabataan na kunin ang naturang pagkakataon at gamitin umano ang kanilang potensyal na kakayahan upang mapalago ang industriya ng fisheries and aquatic resources ng bansa. (MIO)