Skip to main content

SECURITY PLAN PARA SA UNDAS, INILATAG NG PNP

Magpapatupad ng mahigpit na panuntunan ang Philippine National Police o PNP Lingayen sa pagbisita sa mga sementeryo sa darating na Undas 2020.

Nakasaad sa Security Plan na inilabas ng pulisya sa pamumuno mismo ni OIC Chief of Police, P/LtCol. Jose L. Abaya II, na magkakaroon ang ng iskedyul ang bawat barangay upang mas maging maluwag ang mga sementeryo sa pagbisita sa mga yumaong mahal sa buhay ng publiko.

Ayon sa Inter-Agency Task Force (IATF) gudelines, isasara ang mga sementeryo sa bayan mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4 ngunit papayagan naman ang limitadong pagpunta rito mula Oktubre 25 hanggang 27 base sa security plan ng kapulisan.

Upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao at ang posibleng hawaan ng virus, may ibibigay na “cemetery pass” na mayroong control number at color coding na indikasyon ng araw o schedule ng pagtungo sa sementeryo.

Sa Oktubre 25 ay Blue, Green sa Oktubre 26 at Yellow naman sa Oktubre 27.
Ayon kay Abaya, pili lang ang mabibigyan ng pass para makapasok sa sementeryo at hindi kasama rito ang mga bata at senior citizen. Isang beses lang din aniya maaaring gamitin ang pass at dalawa lang bawat kabahayan ang pwedeng makakuha nito.

Tatlumpung porsiyento (30%) lang din ng kabuuang kapasidad ng sementeryo ang papayagang makapasok bawat araw at limitado lamang sa isang oras ang maaaring ilagi sa nasabing lugar.
Paiiralin din ang mga health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at pag obserba sa social distancing.

Pinaalalahanan naman ang mga pupunta dito na ipinagbabawal ang pagdadala o pagbebenta ng pagkain maging ang pagtatayo ng tent sa loob at labas ng sementeryo.

Para naman sa ibang mga bisita na magmumula sa ibang bayan o sa labas ng probinsya, kinakailangan ng mga ito na magpresenta ng swab/rapid test na inisyu tatlong araw bago ang kanilang pagpunta o pagtungo sa sementeryo at travel authority mula sa PNP. Dalawang indibibidwal lang din ang maaring dumalaw sa kanilang yumao at sa Oktubre 28 lamang ang kanilang iskedyul.

Layunin ng nasabing panuntunan na maingatan ang publiko laban sa COVID-19 at makasunod sa guidelines patungkol sa mass gathering na itinakda ng IATF.

Una nang inanunsyo ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang pagsunod sa kautusan na isara ang lahat ng mga sementeryo sa bayan (pribado man o pampubliko) ngayong panahon ng Undas upang maiwasan ang kumpulan ng mga tao sa gitna nang nagpapatuloy na banta ng Coronavirus Disease o COVID-19. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan