Selebrasyon ng Linggo ng Kabataan 2024 sa Lingayen, Pormal nang Sinimulan
Matagumpay na sinimulan ngayong araw, ika-10 ng Agosto 2024, ang selebrasyon ng Linggo ng Kabataan sa bayan ng Lingayen sa pangunguna ng Sangguniang Kabataan at ng Local Youth Development Office.
Ang mga aktibidad na idinaos at idaraos sa naturang pagdiriwang ay lubos na sinusuportahan ng lokal na pamahalaan ng Lingayen na pinumumunuan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil at ng iba’t-ibang departamento tulad ng Environment and Natural Resources Office, Information Office, Disaster Risk Reduction and Management Office, at General Services Office.
Naging makabuluhan ang unang araw ng selebrasyon matapos magsagawa ng Coastal Clean-up Drive sa kahabaan ng Lingayen Beach, Mangrove Tree Planting activity sa Barangay Capandanan, Poster Making Making sa Lingayen Municipal Hall, at ang Blood Donation Drive sa Lingayen Civic Center.
Kabilang sa mga aktibong nakilahok sa clean-up drive at tree planting ang ilang grupo ng kabataan mula sa iba’t-ibang paaralan gaya ng Pangasinan National High School(PNHS), Pangasinan School
of Arts and Trades(PSAT) at Pangasinan State University (PSU). Kaisa rin ang mga Non-governmental Organizations (NGOs) at Civil Society Organizations (CSOs) gaya ng Young and Old of Libsong West Association (YOLWA), JCI Liberation II, Lingayen Shutler’s Club, Youth for Peace Movement Lingayen Chapter, Young Environmental Advocates of Lingayen, Young Ballers Association, at marami pang iba.
Halos dalawang daan (200) ang naitanim na mangrove seedlings na siyang inaasahang makatutulong sa pagprotekta sa ilog at baybayin laban sa malakas na alon ng tubig habang nagsisilbing tahanan ng mga isda, crustaceans at iba pang water-dwelling species.
Pinangunahan naman ng Philippine Red Cross Pangasinan Chapter ang Blood Donation Drive, na kung saan dinaluhan ito ng ating mga kababayan na bolunterismong nagdonate ng kanilang mga dugo para sa mga lubos na nangangailangan nito.
Dumalo rin sa nasabing selebrasyon sina Vice Mayor Mac Dexter Malicdem at Konsehal Jonathan Ramos bilang pagsuporta sa mga kabataang nakiisa sa pangangalaga sa likas na yaman ng Lingayen habang nakiisa si Konsehal Jaymark Kevin Crisostomo, na siyang nagsilbing hurado sa Poster Making Contest.
Layunin ng mga naturang aktibidad na buksan ang kamalayan ng mga kabataan na maging partisipatibo sa mga gawaing makakabuti sa kanilang komunidad.
Samantala, hinihikayat naman ni SK Federation President Carissa Tuazon ang mga kabataan na makilahok sa mga susunod na aktibidad gaya ng Misa ng Kabataan, Digital Literacy & Life Support Training at SK Olympics: Game of Wizards, bukas, ika-11 ng Agosto habang ang SK Fun Run ay sa ika-31 ng Agosto.
Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Bataoil sa mga kabataan sa Lingayen dahil sa kanilang aktibong partisipasyon sa iba’t-ibang larangan at ang kanilang patuloy na pgbibigay karangalan sa ating bayan.
(MIO_PJBayog/JMMangapot)
RCSoriano/CCacondangan/Snapture