Skip to main content

Seminar at Oryentasyon hinggil sa Sustainable Livelihood Program (SLP)

Isang seminar at oryentasyon hinggil sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ang isinagawa ng  Department of Social Welfare and Development o DSWD Regional Office sa bayan ngayong araw Marso 15, 2022.

Katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen at Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO, sumailalim sa nasabing pagsasanay ang mga miyembro ng 4P’s na pawang benepisyaryo din sa naturang programa.

Ayon kay MSWDO Officer Lorenza Decena, ang idinaos na seminar ay isa lamang na preparasyon para sa implementasyon ng Mandanas-Garcia Ruling ngayong taon. Ang ruling ay patungkol sa pagbibigay ng “just share” o karampatang bahagi ng buwis sa mga LGUs mula sa national taxes para sa mas pinalawak na otonomiya at kapasidad sa sariling pamamahala.

Dito ay nakatakdang tumaas ang Internal Revenue Allotment o IRA ng bawat LGU na posibleng umabot sa 30-55% increase. Dahil dito, ang mga programa ng mga national agencies tulad ng DSWD ay tuluyan ng maililipat sa Lokal na pamahalaan.  Ibig sabihin nito, ang LGU na ang magiimplementa na sa mga piling programa ng DSWD.

“Itong seminar ay in preparation sa Mandanas Ruling natin. Naging pilot area ang bayan natin na Lingayen kaya titignan nila ngayon yong mga pwedeng gawin sa ilalim ng program” pahayag ni MSWDO Officer Decena.

Dagdag pa ni Decena, napakahalaga na malahukan ng mga benepisyaryo ang mga ganitong uri ng seminar dahil dito ay ibabase kung gaano pa sila ka-aktibo at kaseryoso sa naturang programa.

“Napaka-importante na attendan nila itong mga ganitong event dahil dito makikita kung active pa ba sila o hindi na. Dito rin tinitignan kung ano yong problema na madalas nila kaharapin at syempre kung paano ito i-solve” dagdag pa ng opisyal.

Ang sustainable livelihood program  ay isa lamang sa mga programa ng DSWD na naglalayong tumulong upang palakasin ang kapasidad ng mga kwalipikadong benipesyaryo na magkaroon ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagbibigay negosyo o trabaho.

Ipinaabot naman ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang kanyang taos pusong pasasalamat sa naturang tanggapan. Umaasa ito na sa pamamagitan ng nasabing programa ay mas mapapabuti pa ang antas ng pamumuhay ng maralitang sektor sa bayan. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan