
SEN. JINGGOY ESTRADA DUMALAW SA LINGAYEN
Bumisita si Senator Jinggoy Estrada sa bayan ng Lingayen ngayong araw Hulyo 7, 2021.
Ito’y upang kamustahin ang lagay at sitwasyon ng mga kababayan sa kabila na rin ng patuloy na nararanasang pandemya dulot ng COVID-19.
Mainit naman itong tinanggap ng mga Lingayenense kabilang na ni Mayor Leopoldo N. Bataoil kasama ang ilang empleyado ng Lokal na Pamahalaan.
Unang ipinahayag ni Senador Estrada sa kanyang maikling mensahe ang pagbibigay importansya sa mga kababayang Overseas Filipino Workers o OFW. Sa katunayan aniya, isa sa mga pinakatinutukan niya noong ito’y nasa senado pa lamang ay ang pagbuo ng mga batas na may kinalaman sa kapakanan ng mga OFWs.
“Malapit po sa aking puso ang mga OFWs. Lahat po ng mga batas na aking tinutukan at ginawa noong tayo pa lamang ay nasa senado ay tungkol po sa mga OFW.”
Bukod sa mga OFWs, pinuri din ng naturang senador ang mga medical frontliners sa bayan na walang sawang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Aniya, hinahangaan nito ang kanilang ipinapakitang sipag at dedikasyon sa trabaho.
Kasabay nito hinikayat din ni Estrada ang publiko na magpabakuna upang mabigyan ang mga ito ng karagdagang proteksyon hindi lamang para sa kanilang sarili ngunit pati na rin sa mga miyembro ng kanilang mga pamilya.
Sa huli, pinasalamatan ni Senador Estrada si Mayor Bataoil at buong bayan ng Lingayen sa mainit na pagtanggap dito. Asahan umano na ipagpapatuloy nito ang pagtulong at pagsuporta sa mga programang may kinalaman sa ikabubuti at ikauunlad ng bayan. (MIO)