
SIGNAGE IPAPAKALAT SA MGA PANGUNAHING LANSANGAN UPANG MAGBIGAY NG BABALA SA PUBLIKO
Muling nanawagan ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa publiko na tumalima na sa ipinatutupad na Road Clearing Operations sa pamamagitan ng kusang paglilinis, pag-aalis o pagbabaklas ng mga nakaharang o anumang sagabal sa mga kalsada.
Ito’y matapos bigyan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang lokal na pamahalaan ng extension ng deadline para sa Road Clearing Operation 2.0.
Mismong si Mayor Leopoldo N. Bataoil ang naki-usap sa mga brgy officials na tulungan na ang kanilang mga kababayan na alisin ang lahat ng road obstructions sa kanilang nasasakupan.
Maging ang Philippine National Police o PNP Lingayen ay nanawagan na rin sa mga motorista na iwasan na ang pagpapark ng kanilang mga sasakyan sa tabi ng National Road upang maka-iwas sa multa.
Sa katunayan, magtatalaga ang mga ito ng enforcers na mahigpit na magmomonitor sa lugar upang siguruhin na wala ng motoristang mag-illegal park.
Papatawan na rin ng kaukulang multa ang lalabag dito alinsunod na rin sa Republic Act No. 4136 at Sangguniang Bayan Ordinance No. 26 Series of 2014.
Nagbabala rin ang PNP na hahatakin ang mga sasakyan ng mga pasaway na driver na magpupumilit na pumarada sa iligal na lugar kahit pa naisyuhan na ng ticket.
Ipapaskil sa mga pangunahing lansangan ang mga tarpaulin bilang paalala sa publiko na tumalima sa kautusan ng national government at di na umabot pa sa pwersahang demolisyon o pagmumulta ng mga mahuhuling lalabag ng illegal parking sa bayan. (MIO)