
SIMULATION EXERCISE SA PAGBABAKUNA LABAN COVID-19 ISINAGAWA
Isinagawa ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ang isang simulation exercise ng pagbabakuna bilang paghahanda sa mass vaccination program ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Ilang mga empleyado ng munisipalidad ang boluntaryong sumalang sa naturang aktibidad na pinangunahan naman ng Municipal Health Office (MHO).
Dito ay isa-isang ipinakita ang proseso nang pagpapabakuna na magaganap sa bayan sa mga susunod na buwan.
Una, kinakailangang dumaan sa thermal scanning para makuha ang body temperature ng participants at maghugas ng kamay gamit ang alcohol.
Sunod ay ang registration kung saan kukunin at aalamin naman ang ilang mahahalagang impormasyon ng pasyente.
Pagkatapos, ay tutungo ang mga ito sa counseling area kung saan isang video presentation na nagpapakita ng kahalagahan o importansya ng pagpapabakuna at maging posibleng epekto nito o maramdaman sa katawan ng tao.
Matapos ay pipirma sa isang concent form ang mga papayag na sumailalim dito habang pipirma naman ng refusal form ang mga nagbago ang isip at ayaw nang magpabakuna.
Magkakaroon din ng assessment sa mga pasyente at susuriin ng mga doktor kung nasa tamang kondisyon nga ba ang gustong magpabakuna dahil bawal umanong turukan ang mga may lagnat at mga buntis.
Matapos nito ay magtutungo ang magpapabakuna sa vaccination area.
Pagkatapos turukan, dapat ng manatili muna sa holding/observation area. Dito, oobserbahan ang nabakunahan ng ilang minuto para sa mga posibleng epekto sa katawan ng vaccine.
Bukod sa mga health workers at medical frontliners na nanguna sa simulation, naka-antabay din upang rumesponde ang Local Disaster Risk Reduction and Management Office o LDDRRMO at Emergency Response Team ng bayan.
Binigyang diin naman ng Municipal Health Office na layunin ng ginawang simulation na malalaman kung ano dapat baguhin, ayusin at mapagbuti sa proseso ng pagbibigay ng bakuna sa publiko.
Ito rin ay para masanay ang mga medical workers sa magiging takbo ng vaccination procedures kung sakaling dumating na ang bakuna sa bayan.(MIO)
