Skip to main content

SIMULTANEOUS CLEAN UP DRIVE KONTRA DENGUE, ISINAGAWA SA 32 BARANGAY SA LINGAYEN

Sa paggunita ng Dengue Awareness Month ngayong buwan ng Hunyo na may temang “Stop the Spread Sama-Sama Nating Sugpuin ang Dengue”, isinagawa sa bayan ng Lingayen ang simultaneous Barangay Clean Up Drive sa tatlumpu’t dalawang (32) barangay nito.

Pinangungahan mismo ng Municipal Health Office (MHO) ang naturang aktibidad na layuning linisin ang mga lugar na posibleng pamugaran ng lamok na may dalang dengue.

Ayon kay Kapitan Cathy Canilang mula sa Barangay Dulag, isa umanong magandang aktibidad ang nasabing simultaneous clean up drive dahil nakatutulong ito upang protektahan ang kalusugan ng bawat mamamayan. Aniya, “Although two times a month po kami [nag]clean up drive naki-join pa din po kami sa activities ng MHO. Good for all of us naman po.”

Sa pinakahuling datos ng naturang tanggapan, nakapagtala na ng nasa isang daan at tatlumpu’t pitong (137) kaso ng dengue sa bayan simula noong Enero hanggang ngayon Hunyo–hindi pa umano kasama sa bilang ang kasalukuyang na-admit sa ospital ngayong buwan.

Mas mataas ito kung ikukumpara sa bilang na dalawang daan apat napu’t anim (246) na bilang ng naitalang kaso ng dengue sa buong taon naman ng 2023.
Ayon pa sa MHO, karamihan sa mga tinatamaan ng naturang sakit ay mga kabataan kung kaya’t laging pinapaalalahanan ang publiko sa mga hakbang na maaaring gawin upang makaiwas sa dengue.

Babala ng naturang tanggapan, posible pang tumaas ang nasabing bilang lalo na ngayong panahon ng tag-ulan. Pinapayuhan naman ang lahat na maging masinop at ipagpatuloy ang paglilinis ng paligid upang hindi pamugaran ng lamok na nagdadala ng dengue. (MIO_MRVinluan/PJBayog)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan