
SOFT OPENING NG PCSO SA BAYAN NG LINGAYEN, IDINAOS
Tagumpay na nailunsad ngayong araw Enero 25, 2021 ang soft opening ng bagong opisina ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO sa bayan.
Malugod na tinanggap ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang mga tauhan at empleyado na bumubuo sa naturang tanggapan.
Sa kanyang maikling mensahe, nagpasalamat ang alkalde sa tiwalang ipinakita ng PCSO lalo na’t ang Lingayen na siyang Capital Town sa buong probinsya ng Pangasinan ang kanilang napiling bayan para pagtayuan ng bagong opisina.
Umaasa ito na magkakaroon ng maayos at sistematikong pamamaraan ang pagsisimula ng kanilang operasyon.
Nangako din ang Branch Manager ng PCSO Pangasinan na si Ms. Mary Jane U. Claridad na sisikapin ng kanilang tanggapan na tulungan ang lahat ng mga nangangailangang kababayan lalo na sa usaping medikal.
Paliwanag nito, isa lamang sa mga tungkulin ng Philippine Charity Sweepstakes Office ang magkaloob ng pinansiyal na tulong sa mga kapus-palad na pasyente.
Nakapaloob din sa nasabing programa ay ang pagbibigay ng ayuda sa mga kwalipikadong Pilipino na nangangailangan ng tulong medikal para sa hospital confinement, dialysis, chemotherapy, at post-transplant medicines.
Handa rin umanong tumulong ang kanilang tanggapan sa mga hospitals pati na mga LGUs sa buong probinsya ng Pangasinan na magkaroon ng mga bagong ambulansya at iba pang medical apparatuses.
Asahan ang pormal na pagbubukas o grand opening ng kanilang tanggapan sa darating na Pebrero 19, 2021 sa ground floor ng Lingayen Evacuation Center, Brgy. Poblacion, Lingayen. (MIO)