SOLAR POWERED IRRIGATION SYSTEM ITATAYO SA LINGAYEN SA TULONG NG NIA
Sa layuning mapaganda pang lalo ang produksiyong pang agrikultura sa bayan, isa na namang proyekto ng Lokal na Pamahalaan ang nakatakdang itayo sa southern barangay upang makatulong sa mga magsasaka sa lugar.
Ngayong araw ng Huwebes, ika-7 ng Hulyo, 2022 ay isinagawa ang groundbreaking ceremony para sa itatayong Solar Powered Irrigation System sa Barangay Wawa. Dinaluhan ito ng mga opisyal mula sa regional, provincial at local government.
Inilunsad ang proyekto na layong maisulong at mai-angat ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka sa bayan gamit ang mas murang sistema ng irigasyon. Sa halip kasi na diesel fuel at kuryente, gagamit na lamang ng solar energy para sa patubig.
Ayon kay OIC Regional Manager Engr. Gaudencio M. De Vera ng National Irrigation Administration (NIA) Regional Office, ang Solar Powered Irrigation System ang kauna-unahang solar powered irrigation project sa Lingayen at ikalawang distrito ng probinsya. Ito aniya ay naisakatuparan sa tulong ni dating Congressman at ngayon ay alkalde na ng bayan na si Mayor Leopoldo N. Bataoil.
“Yong sipag po ni Mayor, amay kuli to, wadya la natan. Nigapo tila. Aya may groundbreaking to.” ani De Vera
Dagdag pa ng opisyal, naglaan ng 18 milyon piso na pondo ang NIA para sa nasabing proyekto kung saan posibleng makinabang dito ang mga barangay ng Wawa, Aliwekwek, Lasip at iba pang karating barangay. Tinatayang nasa 30 hectares na service area o mga sakahan ang kayang sakupin ng itatayong irrigation project.
Ikinatuwa naman ni Mayor Bataoil nang malaman na isa ang bayan na kanyang pinamumunuan sa pinakaunang recipient ng naturang proyekto sa Distrito Dos. Aniya, personal na nitong nakita ang kagandahan at pagka-makakalikasan ng solar-powered irrigation system sa Camarines Sur at Davao kaya’t labis na lamang ang kanyang pasasalamat maipapatayo din ng kaparehong proyekto sa Lingayen.
Ang pagtatayo ng mga solar-powered irrigation system ay malaking tulong sa mga residente sa mga nabanggit na barangay, partikular ang mga magsasaka at nasa sektor ng agrikultura na miyembro ng Fisherfolk-Farmers and Irrigators Association.
Samantala, ang LGU Lingayen ang mangangasiwa sa pangangalaga o maintenance ng naturang proyekto sa oras na matapos maipatayo ang pasilidad. Asahan din umano na magdaraos ang lokal na pamahalaan ng mga libreng pagsasanay at pagbabahagi ng sapat pang mga kaalaman patungkol sa paggamit nito.
Ang Solar Powered Irrigation System ang tutugon sa problema ng mga magsasaka sa matinding pagkatuyot sa tag-araw, lalo na kung makaranas ng El Niño phenomenon ng ilang buwan. Bukod sa pagiging environment-friendly, makakatulong din ito upang maparami lalo ang produksyon ng mga pananim na kalaunan ay magpapataas at magpapalaki rin ng kanilang kita. (MIO)