
SOLAR POWERED IRRIGATION SYSTEM, ITATAYO SA LINGAYEN
Kasalukuyang nagsasagawa ng ‘validation’ at ‘site visitation’ ang Department of Agriculture (DA) Regional Field Office 1 sa mga barangay sa bayan na nakatakdang pagtayuan ng sampung (10) Unit ng Solar-Powered Irrigation System at dalawampung (20) Unit ng Small Solar Irrigation Pumps.
Ang ipapatayong proyekto ay malaking tulong hindi lamang sa mga lokal na magsasaka ng Lingayen, mapalakas din nito ang agrikultural na produksyon sa bayan.
Ayon kay Municipal Agriculturist Dr. Rodolfo Dela Cruz, nakipagpulong na sila sa DA upang matukoy at masuri ang mga lugar na pangunahing pinagkukunan ng tubig at makumpleto na ang proposal for validation.
Tinatayang nasa tatlumpung (30) barangay ang target na mabenepisyuhan ng nasabing proyekto. Ang sampung Barangay para sa Solar Powered Irrigation System ay kinabibilangan ng Brgy Lasip, Brgy Rosario, Brgy Wawa, Brgy Aliwekwek, Brgy Basing, Brgy Dulag, Brgy Tumbar, Brgy Naguelguel, Brgy Bantayan at Brgy Quibaol.
Habang napili naman ang mga Brgy Namolan, Brgy Matalava, Brgy Tonton, Brgy Libsong East, Brgy Libsong West, Brgy Maniboc, Brgy Baay, Brgy Domalandan East, Brgy Domalandan West, Brgy Domalandan Center, Brgy Estanza, Brgy Sabangan, Brgy Malimpuec, Brgy Balangobong, Brgy Balococ, Brgy Pangapisan Sur, Brgy Talogtog at Brgy Pangapisan North para sa Small Solar Irrigation Pumps.
Ayon pa kay Dela Cruz, ang mga lokasyon ay pinili batay sa mga inirekomenda ng mga organisasyon ng mga magsasaka na susuriin naman ng Regional Agricultural Engineering Division (RAED).
Layunin ng DA solar-irrigation project na maisulong ang pangangalaga at tamang paggamit ng mga lupa at nakukuhang tubig upang makamit ng mga magsasaka ang masagananh ani at mas malaking kita. (MIO)