Skip to main content

STEP 1 ONLINE REGISTRATION PARA SA NATIONAL ID, NAGSIMULA NA


Nagsimula na ang Pilot Launch ng Step 1 Online Registration sa National ID ng Philippine Identification System o PhilSys ngayong araw ng Biyernes Abril 30, 2021.

Kabilang sa mga nakibahagi o nakilahok dito ang PhilSys Lingayen Registration Team sa bayan.

Ayon sa naturang tanggapan, layunin ng nasabing online registration na mapadali ang pagpaparehistro ng mga kababayan na hindi pa nakatatapos ng Step 1. Dito ay sila na umano ang otomatikong magproproseso ng kani-kanilang mga personal na impormasyon o ang pagkolekta ng demographic information tulad ng mga sumusunod:

– Pangalan (Name)
– Kasarian (Sex)
– Araw ng Kapanganakan (Date of birth)
– Lugar ng Kapanganakan (Place of birth)
– Blood type
– Address
– At iba pang optional information tulad ng marital status, cellphone number, at email address.

Ngunit paglilinaw ng PhilSys Lingayen Office, ang mga kababayan na hindi pa nakatapos ng Step 1 ang maaari lamang magparehistro online habang ang mga hawak pang appointment slip at mga kababayan na sumailalim sa interview ng PSA enumerators noong nakaraang taon ay kinakailangan pa ring magtungo sa kanilang opisina o registration center.

Kinakailangan lamang umanong hintayin ang text message mula sa PSA para sa kanilang iskedyul o araw ng pagpunta.

Para sa mga nais sumailalim sa online registration maaaring magtungo sa website ng PSA na https://psa.gov.ph/

Sa mga kababayan naman na may iba pang mga katanungan, maaaring tumawag or magtext sa PhilSys Lingayen Registration Team 0960-853-0848.

Layunin ng Philippine Identification System o PhilSys na bigyan ng valid proof of identity ang publiko at maaari din itong gamitin sa mga transaksyon sa anumang government offices pati na sa mga pribadong kumpanya. (MIO)

 

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan