Skip to main content

Task Force Anti Mendicancy Binuo Upang Isalba ang mga Batang Namamalimos sa Lansangan

Nagsanib pwersa ang iba’t ibang tanggapan na bumubuo sa Task Force Anti Mendicancy ng lokal na pamahalaan ng Lingayen upang masagip at matulungan ang mga street vulnerable o mga indibidwal na palaboy-laboy at mga namamalimos sa bayan.
Ayon sa Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO Lingayen sinasagip nila ang mga ito mula sa kalsada kasama ang ilang mga tauhan ng LDRRMO, PNP, BFP, POSO at kawani at tanod ng barangay lalo na sa gabi o alanganing oras.
Isinagawa ang operasyon alinsunod sa Mendicancy Law of 1978 o Presidential Decree No. 1563 na nagbabawal sa panlilimos.
Nilinaw ng MSWDO na hindi nila inaaresto ang mga nanlilimos bagkus ay isinasalba ang mga ito mula sa disgrasya o peligro. Karamihan naman sa mga nadadatnan sa lansangan ay mga kabataan na namamasko sa mga matataong lugar tulad ng mall, pamilihang bayan at plaza.
Nagsimula ang operasyon ng Anti Mendicancy Task Force noong nakaraang linggo kung saan sa unang gabi ng kanilang pagiikot ay may tatlong kabataan na umanong nasita. Na-rescue din ang mga katutubong Aeta at kasaluluyan ng pinoproseso ang kanilang pagbalik sa pinanggalang komunidad–Zambales.
Sa Anti-Mendicancy Law, mahigpit na pinagbabawal ang pagbibigay sa mga bata o pamilya na nanlilimos sa kalsada sa loob ng mga establisyemento, at sa loob ng mga pampublikong sasakyan, dahil ito ay labag sa batas at may karampatang parusa.
Ayon sa PD 1563, ang pagbibigay ng limos ay hindi isang paraan ng pagtulong, bagkus, nakadadagdag pa ito sa kaso ng mga aksidente at kriminalidad, lalo na sa mga bata.
Ang sinumang mahuhuling namamalimos na nasa hustong gulang na ay maaaring ikulong at pagmultahin samantalang ang mga kabataan ay ipapatawag ang kanilang mga magulang at sasailalim sa counseling ng DSWD at kinakailangang makilahok sa community service.
Samantala, hinikayat ng MSWDO Lingayen ang publiko na ipaalam sa kanilang tanggapan ang mga indibidwal na maaaktuhang nanlilimos upang kanila umanong marescue. (MIO_MRVinluan)
📸CTTO

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan