
TEMPORARY CLOSURE, HATOL SA PWESTO NG MGA DELINQUENT TAXPAYERS
Matapos ang ilang buwang palugit bago pa man ang panahon ng pandemya at mga demand letters, bigo pa ring makapagbayad ng renta ang ilang negosyante sa bayan dahilan upang mapilitan ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen na ipasara ang nasa dalawampu’t isang (21) establisyemento o mga nangungupahan ng puwesto sa pamilihang bayan kamakailan.
Kabilang na rito ang mga nangungupahan sa Agri-Aqua Section, South Wing Row 1, Bengson Section, Meat at Fish Section.
Ayon sa Municipal Treasury Office, maituturing na paglabag sa umiiral na Omnibus Market Code at Revenue Code ng bayan ang hindi pagbabayad ng buwanang renta.
Nakasaad at nakapaloob kasi umano sa naturang batas na maaaring suspendihin at ipasara ng LGU Lingayen ang inuukupahang ‘commercial space’ kapag hindi nakapagbayad ng kanilang renta ang mga negosyante.
Lumalabas naman na nasa tatlo hanggang sampung buwan ng hindi nakapagbayad ang mga ito dahilan upang tawagin na ang kanilang pansin.
Matapos ang paulit ulit na paalala, napilitan na lamang ang lokal na pamahalaan na padalhan ang mga ito ng sulat o Notice of Temporary Closure.
Tinungo na rin ng Municipal Treasury Office kasama ng Market Supervisor, Municipal Legal Office at ilang mga tauhan ng PNP Lingayen ang mga nabanggit na pwesto at isa isang ipinasara ang mga ito.
Dahil naman sa nabanggit na warning, isa-isa nang inayos ng mga stall owners ang kanilang record sa pamamagitan ng pagbabayad ng kanilang mga renta. Nagresulta ito sa pagkakalikom ng nasa mahigit isang daang libong piso na rental fees.
Hinikayat naman ng Municipal Treasury Office ang mga natitira pang negosyante na ayusin at bayaran na rin ang atraso o ang ‘overdue rentals’ upang maibalik pa sa mga ito ang kanilang inuupahang pwesto.
Kasabay din nito ay ang panawagan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil sa publiko na bayaran ang mga obligasyon sa bayan dahil ito rin ang ginagamit na pondo para sa pagbibigay serbisyo at mga programang inilalaan para sa taumbayan. (MIO)