
THERMAL CHECKING, IPINATUPAD SA PAMILIHANG BAYAN NG LINGAYEN
Bilang tugon sa paglaban sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ipinatupad ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa direktiba ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang thermal checking sa mga nagtutungo sa pamilihang bayan ngayong ika-15 ng Pebrero, 2020, market day ng Lingayen.
Sa pinagsamang pwersa ng Rural Health Unit I at Rural Health Unit II, isa-isang sinuri ang temperatura ng mga nagtungo sa pamilihang bayan upang matiyak na malaya ang mga ito sa sintomas ng naturang sakit.
Ayon kay Municipal Health Officer Dra. Sandra Gonzales ang hakbang na ito ay precautionary measures upang hindi makapasok sa bayan ang kontrobersyal na virus.
Bukod sa infrared thermometer check, mayroon ding hand sanitizing station sa entrance at exit ng pamilihan kung saan libreng binibigyan ng alcohol ang mga mamimili.
Libreng protective face mask naman ang ibinahagi ng Market and Slaughterhouse Office sa mga tindero at tindera sa bayan.
Positibo namang tinanggap ng publiko ang ginawang health pecautions and safety measures ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Ginang Marites Castro ng Brgy Capandanan, Lingayen, maganda ang ginawang hakbang ng LGU Lingayen upang malabanan ang banta ng COVID-19.
Lubos din ang pasasalamat nito kay Mayor Bataoil dahil umano sa mga inisyatibong kanyang ginagawa masiguro lamang na nasa mabuting kalagayan ang kanyang mga kababayan.
Samantala, muling nilinaw ng Municipal Health Office na wala pang kaso ng coronavirus sa bayan, taliwas sa kumalat na balita.
Ayon kay Dra. Gonzales, negatibo sa naturang virus ang nabanggit na pasyente. Muli namang nanawagan ang opisyal sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon. Sa halip ay pagtuunan na lamang aniya ang kalusugan ng bawat isa sa pamamagitan ng proper hygiene at pagpapalakas ng resistensya. (MIO)
📸 Mary Rose Llanillo and Bethany Allesson Dela Cruz