TINATAYANG 400 ISKOLAR NG BAYAN NG LINGAYEN, TUMANGGAP NG EDUCATIONAL ASSISTANCE
Aabot sa 396 na estudyante ang kabilang sa batch 2, 3, 4 at 5 na mga Iskolar ng Bayan ng Lingayen ang nakatanggap ng kanilang stipend o educational assistance mula sa Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ngayong ika-27 ng Marso 2025 sa Lingayen Civic Center.
Pinangunahan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang pagbibigay inspirasyon sa mga kabataang ito, kasama sina Vice Mayor Mac Dexter Malicdem, Councilor JM Crisostomo na may akda ng Iskolar ng Bayan Ordinance, Councilor Jonathan Ramos, Coun. Rod Morosi at mga kinatawan mula sa Municipal Treasurer’s Office, at ang Lingayen Scholarship Committee.
Sa kanyang mensahe, pinaalalahanan ni Mayor Bataoil ang mga iskolar na pahalagahan ang kanilang pag-aaral at gamitin ang natatanggap na suporta upang masigurong matagumpay nilang makakamit ang kanilang mga pangarap. “Ang edukasyon ay isang mahalagang puhunan upang maiangat ang antas ng ating pamumuhay. Nais naming makita kayong lahat na maging matagumpay at maging inspirasyon sa iba pang kabataan ng Lingayen,” ayon sa alkalde.
Ang bawat iskolar ay tumanggap ng limang libong piso (P5,000) bilang educational assistance, na kanilang natatanggap bawat semestre hanggang sa matagumpay nilang matapos ang kanilang kurso sa bisa ng Municipal Ordinance No. 78-2019 o Iskolar Ako ng Bayan Ordinance.
Noong nakaraang taon ay ginawaran ng pagkilala ang unang batch ng Iskolar ng Bayan ng Lingayen na matagumpay na nakapagtapos ng kanilang pag-aaral. Mula sa paglulunsad nito noong 2019, patuloy na lumalawak ang programa, at ngayon ay nasa ika-5 (5th) batch na ng mga benepisyaryo. Isang patunay na epektibo at makabuluhan ang programang ito sa pagbibigay ng oportunidad sa mga kabataang Lingayenense upang maabot ang kanilang mga pangarap.
Samantala, ipinahayag naman ng mga dumalo ang kanilang suporta sa programa at nagpaabot ng mensahe ng paghikayat sa mga iskolar na patuloy na magsumikap. Binibigyang-diin nila na ang Iskolar ng Bayan ay hindi lamang isang tulong-pinansyal kundi isang inspirasyon upang pagbutihin ang kanilang pag-aaral at balang-araw ay maging kapaki-pakinabang na mamamayan ng Lingayen. Hinimok din nila ang mga iskolar na gamitin ang oportunidad na ito bilang hakbang tungo sa mas magandang kinabukasan, hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para rin sa kanilang pamilya at sa komunidad. (MIO_MRVinluan/PJBayog)
MIO/TJEstrada