
TRICYCLE AT IBA PANG URI NG MABABAGAL NA SASAKYAN IPINAPAALALANG BAWAL NA SA HIGHWAY
Alinsunod sa direktiba ng Department of Interior and Local Government (DILG), tuluyan nang ipatutupad ng lokal na pamahalaan ng Lingayen at Philippine Nationa Police, ang pagbabawal ng tricycle, pedicab at iba pang uri ng mababagal na sasakyan sa National Highway o mga pangunahing kalsada sa bayan.
Ayon sa PNP Lingayen, hindi pa rin papayagan ang mga tricycle at pedicab na dumaan sa mga pangunahing kalsada upang matiyak ang kaligtasan hindi lamang ng mga pasahero ngunit maging ng mga motorista.
Bahagi din umano ito ng kanilang Oplan Balik Disiplina sa Kalsada na ipinapatupad noon pang nakaraang taon.
Nilinaw naman ng pulisya na sa pagsisimula ng implementasyon nito sa bayan, ay sisitahin lamang muna sa ngayon ang mga lalabag sa naturang batas.
Ngunit sa oras aniyang maisapinal na ang ordinansa patungkol dito, asahan umanong papatawan na ng karampatang penalty ang sinumang violators.
Batay sa ilalim ng Local Government Code, may kapangyarihan ang mga city at municipal mayors, sa pamamagitan ng kanilang mga sanggunian, na isaayos at saklawan ang operasyon ng mga tricycle/pedicabs sa kanilang nasasakupan.
Ayon naman sa PNP, sakali mang magkaroon ng emergency at talagang walang alternatibong ruta sa mga patutunguhan ng kanilang mga sakay, papayagan pa rin ang mga ito na makadaan sa main highways.
Sa ngayon, hinihikayat ang mga tricycle at pedicab drivers na gamitin na lamang ang secondary o barangay road. (MIO)