Skip to main content

TULONG PARA SA MGA NASUNUGAN SA BAHAGI NG BRGY. POBLACION, AGAD INIUTOS NI MAYOR BATAOIL

Tinatayang sampung (10) kabahayan ang natupok ng apoy sa P. Moran West St., Brgy. Poblacion at lima (5) naman ang bahagyang naapektuhan sa bahagi ng Jacoba St. sa parehong barangay nang sumiklab ang sunog kaninang bandang alas tres ng hapon, Pebrero 12, 2024.

Maswerteng walang nasugatan o nagtamo ng mas malalang pinsala sa insidente ngunit ngayon tinatayang 47 na indibidwal ang walang matutuluyan at kasamang nilamon ng apoy ang kanilang mga naipundar.

Agad namang binisita ni Mayor Leopoldo N Bataoil ang mga nasunugan kasama sina Vice Mayor Mac Dexter G. Malidcdem, Coun. Jonathan Ramos at mga kawani ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Agad ipinag-utos ng alkalde sa Bureau of Fire Protection (BFP) Lingayen ang masusing imbestigasyon sa naganap na sakuna at tiyaking wala munang maiiwan sa mga natupok na kabahayan para na rin sa kaligtasan ng mga ito.

Inihahanda na rin ang Lingayen Evacuation Center kung saan maaring manatili ang mga apektadong pamilya, naka-antabay ang LDRRMO o Local Disaster Risk Reduction and Management Office upang alalayan ang mga nais nang lumikas. Ipagkakaloob na rin ng lokal na pamahalaan ang kanilang mga makakain, damit at magagamit sa kanilang pansamantalang pamamalagi sa evacution area. Ipoproseso na rin ng MSWDO ang kanilang mga financial assistance at itinawag na rin ito sa tanggapan ng DSWD para sa mga karagdagang tulong.

Nakipag-ugnayan na rin sa Municipal Health Office upang macheck-up ang mga residenteng apektado ng sunog upang matiyak na walang anumang tinamong pinsala o nakakaranas ng sakit dulot ng stress o depresyon.

Sinabi rin ni Mayor Bataoil na makikipag-ugnayan sa pamunuan ng Brgy. Poblacion upang pag-usapan ang maaring maitulong upang maisa-ayos ang lugar ng insidente.
Para sa mga nais magpa-abot ng tulong pinansyal o mga food supply, maaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng alkalde o ng MSWDO. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan