
TUPAD BENEFICIARIES IDs, IPINAMAHAGI NA
Sinimulan nang ipamahagi sa bayan ang Identification Card o ID ng mga benipesyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong araw, Disyembre 4, 2020.
Ang mga ibinigay na ID ay gagamitin bilang kanilang pagkakakilanlan kapag ang mga ito ay nagsimula na sa kani-kanilang trabaho.
Ayon sa Human Resource Management Office o HRMO Lingayen na siya ding katuwang ng DOLE sa pagpapatupad ng nasabing programa, napakahalaga na makuha ng mga benipesyaryo ang kanilang mga ID’s dahil bago ibigay ang kanilang sahod, ay kinakailangan muna nila itong ipresenta.
“Nagrelease na tayo ngayong araw ng mga ID nila para kapag nagsimula na sila sa trabaho, makikilala sila bilang mga TUPAD workers natin. Yun din ang gagamitin nila para makuha ang sahod nila, kasi kapag wala silang maipresentang ganon, baka hindi nila makuha ang cash assisstance nila” ani Raul Ungson, Chief Administrative Officer ng LGU Lingayen.
Samantala, bukod sa pagpapamahagi ng ID, nagkaroon muli ng aplikasyon para sa 2nd batch ng TUPAD Program.
Tulad ng dati, dumaan muna sa ‘profiling’ ang mga aplikante upang masiguro na sila ay kwalipikado sa naturang programa.
Isang daang indibidwal ang inaasahang muling mabi-benipisyuhan at makikinabang dito.
Para sa mga interesado, maaaring makipag ugnayan lamang sa opisina ng Human Resource Management Office o HRMO Lingayen. (MIO)