
UNANG BATCH NG COVID-19 VACCINES PARA SA MEDICAL FRONTLINERS, DUMATING NA
Dumating na sa bayan ng Lingayen ang unang batch ng bakuna laban COVID-19 mula sa national government sa pamamagitan ng Department Of Health ngayong March 17, 2021.
Personal na tinanggap at nai-turn over ito kay Mayor Leopoldo N. Bataoil, Vice Mayor Judy Vargas-Quiocho at Municipal Health Officer Dr. Sandra V. Gonzales na agad namang inilipat sa cold storage facility ng LGU.
Tinatayang nasa 166 vials ng vaccine na Sinovac habang 4 naman na multidose vials ng AstraZeneca o katumbas ng 40 doses ang naihatid ngayong araw sa bayan.
Agad namang sisimulan ang pagbabakuna bukas, March 18 at kailangang matapos hanggang March 21 para sa mahigit dalawang daang (200) medical frontliners ng pribadong hospital sa Lingayen na kinabibilangan ng Jesus Nazarene General Hospital, Urduja General Hospital at Sto. Nino De Casipit General Hospital.
Susunod naman ang iba pang nasa priority list matapos ang mga medical frontliners ng mga pribadong ospital base na rin sa itatakdang petsa ng DOH.
Samantala, muling nagsagawa ng simulation exercise ang lokal na pamahalaan upang makita ang kahandaan ng mga medical frontliners sa bayan sa pagsisimula ng vaccination program kasabay nang isinagawang assessment ng DOH.
Tulad ng naunang simulation exercise noong buwan ng Pebrero, inilatag ang pagkakasunud-sunod ng bawat phase ng proseso gaya ng paglalagay ng waiting area, registration, counselling, medical screening, vaccination at recovery area.
Dadaan sa registration ang mga magpapabakuna para makuha ang kanilang mahahalagang detalye.
Pagkatapos nito ay dadaan sila sa counselling at screening para sa anumang impormasyon o katanungan ukol sa pagpapabakuna. Sa phase na ito rin maaaring hilingin sa mga magpapabakuna ang kanilang health status at iba pang bagay na kailangang dumaan sa beripikasyon.
Ipinakita rin ang mga panuntunan at prosesong dapat sundin ng mga magpapabakuna, bago at pagkatapos nilang maturukan, para na rin sa kanilang kaligtasan.
Mayroon ding inilagay na standby medical at healthcare workers, pati na ng ambulansiya, sa post-vaccination area upang agad tumugon sa sinumang mangangailangan ng atensiyong medikal o sa magkakaroon ng reaksyon sa katawan sa tinanggap na bakuna.
Umaasa naman si Mayor Bataoil na makakatulong ang assessment ng evaluation team sa ginawang simulation drill upang mapag-ibayo pa ang kalidad at kahandaan sa pagpapatupad ng COVID-19 vaccination program sa bayan at mahikayat nito ang target na populasyon sa bayan upang makatanggap ng mga COVID-19 vaccines. (MIO)