
UNVEILING NG LINGAYEN BAGOONG FESTIVAL LOGO, IDINAOS
Ipinakita na sa publiko ang opisyal na logo para sa Lingayen Bagoong Festival 2023.
Ginanap ang unveiling ceremony nito kasabay ng idinaos na Regular Flag Ceremony ngayong umaga ng Lunes, Pebrero 27, 2023.
Pinangunahan ito ni Mayor Leopoldo N. Bataoil, Vice Mayor Dexter Malicdem, mga konsehal, empleyado ng munisipalidad kasama si Former PNP Chief Gen. Arturo Lomibao na nagsilbing Guest of Honor and Speaker sa naturang programa.
Sa talumpati ng panauhing pandangal sinabi nito, na kahanga-hanga ang transpormasyon ng Lingayen mula sa mga panahong siya ay nakakabisita dito at aktibo pa sa serbisyo sa PNP. Pinuri rin nito ang naglalakihang proyekto at bisyon ni Mayor Bataoil kabilang na ang patuloy na pagpromote ng turismo at mga aktibidad na magpapalakas dito katulad ng kapyestahan at Bagoong Festival.
Samatala makikita naman sa inilabas na logo ay ang isang malaking “pasig” o tapayan na sumisimbolo sa ipinagmamalaking produkto ng bayan ng Lingayen– ang bagoong o salted fish paste sa patuloy na piangyayaman ng mga bagoong manufacturers.
Ang pagiging makulay naman nito ay nangangahulugan ng masayang pagdaraos o selebrasyon na magtatampok at lalo pang pagpapakilala ng produktong bagoong na pangunahing industriya rin ng bayan.
Magsisimula ang selebrasyon ng Bagoong Festival 2023 sa Marso 16 hanggang 18 kung saan maraming mga aktibidad ang maaaring abangan ng publiko.
Ito ang kauna-unahang Bagoong Festival na idadaos sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Bataoil matapos na maudlot noong mga nakaraang taon dahil na rin sa banta hatid ng pandemya.
Umaasa ang alkalde na magiging matagumpay at masaya ang gaganaping selebrasyon dahil ang panahong ito ay inilaan para sa kasiyahan at galak ng kanyang mga kababayan. (MIO)