
URBAN GARDENING AT IBA PANG SANGAY PANG-AGRIKULTURA, IBINAHAGI
Sumailalim sa seminar at libreng pagsasanay ukol sa urban gardening at vegetable production ang ilang mga residente sa bayan ngayong araw, Disyembre 11, 2020.
Ang nasabing aktibidad ay pinangasiwaan ng Agricultural Training Institute-Regional Training Center I (ATI-RTC I) sa pakikipagtulungan sa Municipal Agriculture Office ng LGU Lingayen.
Layunin nito na turuan ang mga kalahok ng tamang pagtatanim ng gulay pati na tamang produksyon nito, pagpili ng maayos na binhi hanggang sa value chain at pagbibigay ng sapat na impormasyon at diskarte ng paghahalaman kahit pa nasa rural o urban areas.
Kabilang naman sa mga tinalakay sa nabanggit na aktibidad ay ang ilang mga alternatibong istilo ng pagtatanim lalo na sa mga lugar na may maliit lamang na espasyo. Itinuro din sa mga kalahok ang wastong paghahalo ng lupa at fertilizer o pataba.
Ayon kay Municipal Agriculturist Dr. Rodolfo Dela Cruz napakahalaga ng Urban Gardening sa bawat komunidad o mga barangay sapagkat lumilikha ito ng kabutihan kapag kalusugan ng tao ang pag-uusapan.
Aniya, makakatulong ang naturang seminar na hikayatin ang publiko na pasukin ang pagtatanim lalo na ang mga may malalaking bakuran sa kanilang mga kabahayan.
Suportado naman ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang nasabing aktibidad at hangad nito na mapalawak pa ang kaalaman ng kanyang mga kababayan lalo na sa usapin ng pagtatanim. Hiniling din nito sa mga dumalo na gamitin ang kanilang natutunan sa seminar sa pagtatanim ng gulay at iba pang halaman sa sariling bakuran upang may mapagkunan ng sariwa at masusutansiyang pagkain.
Samantala, nasa labing walong (18) fisherfolk students dito sa bayan ang nagtapos sa Malinis at Masaganang Karagatan School-On-The-Air program ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 1.
Nagkaroon ng isang culmination program at graduation ceremony para sa mga nagsipagtapos.
Layunin ng nasabing programa na ipaalam ang mga teknolohiyang pangkabuhayan sa mga mangingisda o ang aquaculture technologies para sa mga tilapia, seabass at pompano production. (MIO)