Skip to main content

VACCINATION PLAN NG LGU LINGAYEN, IKINAKASA NA!

Inihahanda na ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pangunguna ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang vaccination plan ng bayan alinsunod sa direktiba ng Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa COVID-19.

Sa isang pulong kasama ang ilang mga department heads ng munisipalidad at iba pang concern agencies/offices, pinag usapan na ang mga hakbang na maaaring gawin ng LGU upang maayos na maimplementa ang nasabing mass vaccination program.

Kabilang sa mga napag-usapan ay ang listahan ng mga prayoridad na bibigyan ng naturang bakuna tulad na lamang ng mga frontliners sa bayan, mga senior citizens, mga PWDs at ang mga walang kakayahang bumili nito.

Inaasahan ng lokal na gobyerno ang mga vaccine na ipagkakaloob ng national at provincial government at kung sakaling kulangin ay sisikapin ng LGU na humanap ng pondo upang matiyak na mabibigyan ng bakuna ang lahat ng mga qualified at sang-ayon na makatanggap nito.

Magsasagawa din ang LGU ng information campaign base sa ilalabas ng Department of Health (DOH) ukol sa bakuna upang mas maipaliwanag sa publiko ang proseso nito.
Asahan rin na sasailalim muna sa pagsasanay ang lahat ng heath workers ng Municipal Health Office o MHO Lingayen at iba pang medical personnel bago tuluyang magbigay o makapagbakuna ng COVID-19 vaccine.

Nangako naman ang PNP na tutulong sa mobilization, vaccination dry run at iba pang may kaugnayan sa nasabing immunization program ng pamahalaan.

Bagama’t hindi pa tuluyang nabuo ang plano, umaasa ang LGU Lingayen na maisasakatuparan ito sa lalong madaling panahon sa pakiki-isa na rin ng lahat ng barangay at mga namumuno dito.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang panawagan ni Mayor Bataoil sa kanyang mga kababayan na sundin ang ipinapatupad na minimum health protocols at palakasin ang resistensiya upang maka-iwas na madagdagan pa ang kaso ng mga nagpositibo sa virus. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan