Skip to main content

VACCINE ROLLOUT PARA SA MGA SENIOR CITIZENS, TULOY NA… MSWDO NAMAHAGI NG TULONG SA MGA HIGIT NA NANGANGAILANGAN


Balik pagbabakuna kontra COVID-19 ngayong araw ika-11 ng Hunyo, 2021, para sa mga senior citizens sa bayan. Ito ay matapos panandaliang maunsyami ang itinakdang schedule bunsod ng delay ng delivery ng bakuna mula sa Department of Health.

Kahapon tinanggap ng LGU Lingayen ang tinatayang 2,500 vials ng vaccine mula sa DOH Regional Office 1 habang ngayong araw nabigyan na ng bakunang Sinovac ang mga matatandang may edad animnapu (60) pataas.

Ang mga nabakunahan ngayong araw ay pawang pre-registered o ang mga senior citizens na pawang nakapagparehistro na sa kanilang barangay.

Kasabay naman nito ay ang muling panghihikayat ni Mayor Leopoldo N. Bataoil iba pang mga nakatatanda sa bayan na magpalista upang makatanggap ng bakuna kontra sa nasabing virus.

Aniya, walang dapat na ikatakot dahil dumaan sa masusing pag-aaral ang mga dumadating na bakuna galing sa national government. Asahan din aniya na hindi magbibigay ang pamahalaan ng mga bakunang magdudulot ng masama o hindi magandang epekto sa kalusugan ng mga kababayan bagkus magtiwala na lamang at isipin ang kaligtasang makukuha mula sa pagtanggap nito.

Nanawagan naman ang alkalde sa mga una ng nabakunahan na huwag pa rin pakampante at dapat pa ring sundin ang mga ipinapatupad na health protocol tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at pagsasagawa ng physical o social distancing.

Para sa ibang mga pre-registered senior citizen na hindi pa nababakunahan, mangyari lamang na umantabay sa iskedyul sa inyong barangay na ipopost dito sa official facebook page ng LGU Lingayen.

Samantala, bukod sa bakuna, muli namang nagbigay ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pangunguna ng Municipal Social Welfare and Development Office o MSWD at Municipal Treasurer’s Office ng tulong pinansyal sa mga mahihirap na kababayan.

Tatlumpu’t siyam (39) na indibidwal ang nabigyan ng cash assisstance mula na rin sa programang Assistance to Individual In Crisis Situation (AICS) ng MSWDO kung saan 22 dito ay nasa kategorya ng medikal, labing isa (11) ang burial at anim (6) naman para sa solo parent. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan