
VIDEOKE O PAGPAPATUGTOG NG MALAKAS LILIMITAHAN NA AYON SA KAPULISAN
Nanawagan ang Philippine National Police o PNP Lingayen sa publiko na limitahan na ang paggamit ng videoke at karaoke o pagpapatugtog nang malalakas na speakers.
Kasabay ito ng pagsisimula ng klase o online class ng mga mag aaral sa ilalim ng sistemang distance learning ngayong School Year 2020-2021.
Ayon sa pulisya, kailangang iregula ang paggamit ng videoke o mga sound-producing devices upang masiguro na hindi maistorbo o maaabala sa kanilang mga klase ang mga estudyante. Bigyan din umano ng konsiderasyon ang mga may online jobs o nasa work from home arrangement mula sa kanilang mga kumpanya.
Sa katanuyan umano, nagsimula na silang maglibot sa mga barangay sa bayan upang imonitor at tiyaking walang gumagawa ng anumang klase ng noise pollution lalo na sa umaga.
Makakatulong din ang nasabing kautusan para mapigilan ang mga nagnanais na magsagawa ng mass gathering at maiwasan ang local transmission at hawaan ng sakit. Sa pamamagitan kasi ng pagpapasa-pasahan ng mikropono, mas madali rin naipapasa ang virus na posibleng maikalat sa bayan.
Hiniling na rin umano ng pulisya sa mga barangay officials na tulungan silang imonitor at ipatupad ang naturang alituntunin bilang pagsuporta sa mga mag-aaral na sumasailalim sa online o distance learning sa kanilang mga bahay gayundin ang mga empleyadong work from home ngayong may pandemya.(MIO)