
VOTER’S REGISTRATION, TULOY NA
Muling bubuksan ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang tanggapan upang ipagpatuloy ang kanilang voter registration simula September 1, 2020.
Nakasaad sa Comelec Resolution No. 10674 na tatanggap na ang Comelec ng mga aplikasyon para sa voter registration sa mga lugar sa bansa na nakasailalim sa general community quarantine (GCQ) at modified GCQ, at mga lugar na wala ng quarantine measure habang mananatili naman itong suspendido sa mga lugar na nasa ilalim pa rin ng enhanced community quarantine (ECQ) at modified enhanced community quarantine (MECQ).
Ayon naman sa COMELEC Lingayen, ang aplikasyon para sa pagpaparehistro ay maaaring isumite mula Martes hanggang Sabado (kabilang na ang holidays) alas otso ng umaga hanggang alas tres lamang ng hapon.
Nagpaalala din ang naturang tanggapan na magiging istrikto sila sa pagpapatupad ng mga health protocols o ang mga kaukulang pag-iingat laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Giit ng COMELEC, no face mask, no face shield, no registration ang kanilang magiging patakaran.
Lilimitahan din umano ang bilang ng mga taong papayagang makapasok sa kanilang opisina bilang pagsunod sa physical o social distancing.
Ipinaalala rin ng Comelec sa mga aplikante na magdala ng sariling ballpen.
Samantala, narito ang mga mga dokumentong maaring dalhin ng mga nais magparehistro.
1. Employee’s ID na may lagda ng employer o representative
2. Postal ID
3. PWD ID/Senior Citizens ID
4. Drivers License
5. NBI Clearance
6. Passport
7. SSS/GSIS ID
8. Integrated Bar of the Philippines IBP ID
9. Professional Regulatory Commission PRC ID
10. Iba pang Valid ID
Samantala, nilinaw din ng COMELEC na huwag nang mag apply na new voter kung ang registration status ay deactivated na, sa halip, hilingin na lamang umano ang reactivation sa kanilang opisina.
Para naman sa lumipat o nag-transfer ng tirahan, isang valid ID ang kinakailangang ipresenta na nakasaad ang bagong address
Para sa magpapalit ng civil status from single to married, magdala ng certified true copy ng marriage contract, original para sa babae at xerox copy para sa lalaki.
Para sa mga magpapatama ng mga error sa name, date of birth, o place of birth, magdala ng xerox copy ng birth certificate, baptismal, o marriage contract basta nakapaloob sa dokumento ang ipapatama. (MIO)