WATER PUMPING STATION SA BRGY. BASING, LINGAYEN, PINASINAYAAN
WATER PUMPING STATION SA BRGY. BASING, LINGAYEN, PINASINAYAAN
Malaking tulong para sa mga residente ng Brgy. Basing, Lingayen ang pinasinayaang Newly Drilled Water Source sa barangay sa pangunguna ng Lingayen Water District at Prime Water Lingayen.
Personal na dumalo si Mayor Leopoldo N.Bataoil sa isinagawang blessing and inauguration ng naturang pumping station ngayong ika-17 ng Agosto, 2022 na kasalukuyan ay nagsu-supply na tinatayang 341 na mga kabahayan sa naturang barangay.
Ayon kay Archival Samson, Branch Manager ng PrimeWater Lingayen, taong 2013 nang unang hilingin sa kanila ng mga residente roon na maglatag ng pipeline sa lugar dahil sadya umanong napakahirap ng supply ng tubig sa lugar na kadalasang sa gabi lang nagkakaroon. “Parang talagang may water interruption kasi sa gabi lang malakas yung tulo o kaya naman sa mga poso-poso lang sila umiigib at talagang pila-pila naman ang mga tao doon,” dagdag pa ni Samson.
Sa tulong ng naturang pasilidad na may tatlong kilometrong pipelines, kaya na nitong mag-supply ng 1.73M liters sa kada araw at may water pressure na 20 PSI habang 24-hour naman ang water availability.
Masaya ring ibinahagi ni Engr. Kristoffer Sabater, Operations Head ng PrimeWater sa rehiyon na kaya ring supplyan ng naturang pasilidad ang mga karatig barangay ng Basing tulad ng Dulag, Tumbar at iba pa.
Naroon din sa okasyon ang mga Board of Directors ng Lingayen Water District sa pangunguna ni Chairman Jose Hidalgo. Ayon kay Hidalgo maswerte ang mga taga barangay Basing dahil ngayon ay may source na sila ng malinis at potable na tubig. Gayundin ang kanyang pasasalamat dahil sa pagtutok naman ni Mayor Bataoil sa mga proyekto at programa na tiyak na pakikinabangan ng mga Lingayenense.
Ipinaliwanag naman ng General Manager Lingayen Water District na si GM Joewelito Gonzales na sadyang napakahirap nang makahanap ng maayos mapagkukunan ng tubig sa bayan. Kaya naman humihiling ito ng kaunti pang panahon upang masolusyunan ang mga suliranin na idinudulog ng mga concessionaire. “Kinailangan pa nating kumuha sa bayan ng Labrador dahil dito ay napakalat ng tubig kung dadaan pa ito sa mga proseso napakalaki na ng magiging production cost. Iniisip din natin na kumuha sa San Carlos City, dahil walang alat…binabalanse namin kasi kung malaki ang gastos apektado rin ang water rate, apektado ang mga concessionaire kaya hindi pwedeng agad agad na gagastos tayo ng malaki, binabalanse din namin yan kaya sana maintindihan ng mga consumer,” saad ni Gonzales.
Nangako naman ang alkalde na susuporta sa abot ng makakaya upang makapagbigay ng maayos na serbisyo ang PrimeWater at LIWAD sa kanyang mga kababayan habang hindi rin mabibigla ang mga ito sa mga karagdagang singgil sa tubig. (MIO)
📸MIO/GcRueda