Skip to main content

WEBINAR PARA SA MGA KAWANI NG LGU LINGAYEN, ISINAGAWA

Tagumpay na naisagawa sa kauna unahang pagkakataon ang isang online seminar para sa mga empleyado ng munisipalidad noong Agosto 19, 2020.

Pinangunahan mismo ni Mayor Leopoldo N. Bataoil at Vice Mayor Judy Vargas Quicho kasama ng ilang konsehal ang seminar o mas kilala sa tawag na WEBINAR FOR GOVERNMENT EMPLOYEES na may temang “Enhancing Resilience in the Workplace”.

Bagama’t nasa malayong lugar, hindi naging hadlang ang pagbibigay kaalaman ni Dr. Liecel M. Trinidad – Fulgencio, MD, DPBP, FPPA, isang licensed psychiatrist mula sa Lingap Diwa.

Hinikayat nito ang mga kawani ng munisipalidad na alagaan ang kanilang sarili lalo na ang kanilang mental health. Tinalakay din nito ang mga posibleng epekto hindi lamang sa trabaho ngunit pati na rin sa kanilang kalusugan kapag nakaranas ng stress at depresyon.

Ayon pa sa naturang espesyalista, ang halaga ng lagay ng mental health ng mga tao ay kasinghalaga rin ng lagay ng kanilang pisikal na kalusugan. Hindi aniya tulad ng sakit sa puso o kanser, ang mental illness ay hindi madaling makita.

Paliwanag ni Dr. Fulgencio, unang nararanasan dito ang stress na susundan nng burnout at kalaunan naman ay depresyon nahahantong sa suicide. Ang suicide ay may kaugnayan sa pag iisip ng isang indibidwal ngunit hindi madaling nakikita.

Bukod dito, ang labis na pagkabalisa o anxiety, bullying, addiction, ay ilan pa sa mga karaniwang mental health problems na nararanasan ng mga Pilipino.

Payo nito sa publiko, huwag matakot o mag-atubiling komunsulta sa mga espesyalista sakaling may mga nararamdamang simtomas ng ganitong kalagayan.

Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Bataoil kay Dr. Fulgencio matapos ang pagbabahagi nito na malawak na impormasyon tungkol sa mental health pati na ang pagbibigay ng mga hakbang kung paano buwagin ang maling mga haka-haka at stigma na dulot ng mental health disorders.

Nagbigay rin ng payo ang alkalde na maging mahinahon sa pagharap sa mga panahong nahaharap sa nakaka-stress na sitwasyon at maging kung mayroong mga katrabaho o boss na mahirap pakisamahan. Tungkulin din umano niya bilang lider na siguruhing ang lahat ay nasa maayos at wastong kondisyon sa kani-kanilang trabaho.

Malaking tulong aniya para sa kanyang mga empleyado ang naturang seminar at naniniwalang makakatulong ito para magampanan ng maayos ng mga kawani ang kani-kanilang tungkulin sa kabila ng kinakaharap nating pandemya. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan